About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Thursday, September 13, 2012

Maskara ng Kasalanan


Ilang beses ba tayong naglalakad papasok sa loob ng simbahan upang mag-alay ng panalangin at makiisa sa selebrasyon ng Eukaristiya?

Ilang beses ba tayong mag-antada ng panalangin kapag aalis,  bago matulog o maging sa harap ng hapag-kainan?

Napakasarap pagmasdan ang mga ganitong gawi. Nakakahikayat ng damdamin at nakakapagpagaan ng kalooban. Nagiging ehemplo sila sa lahat ng karamihan. Nagiging katuwang upang mamulat ang ilan sa baluktot na usaping moral.

Kaya lang…

Kaya lang….

Ooops, teka muna…Mukhang namamali ang mga matang nakakakita at ang mga taingang nakakarinig sa sinasabi ng ilan.


Di ko maikakaila sa aking sarili na lumaki ako sa pamilyang may takot sa Diyos. Magulang ko ang nagturo sa akin ng kagandahang-asal ngunit di ko maikakaila na binaluktot ko rin minsan ang sarili ko sa mundo ng aking kabataan. Sinikap kong maiba at tumaliwas sa ordinaryong buhay na laging nasa loob lamang ng bahay matapos ang buhay-pag-aaral. Natuto akong kilalanin at tuklasin ang sarili kong kaligayahan at kasiyahan nang mga panahong iyon; uminom, manigarilyo, magbulakbol, madalas sa gimikan, at iba pang klaseng paglulustay ng pera…Wala akong halong pagsisisi sa mga bagay na aking ginawa sapagkat nakatulong ito sa akin upang mas makilala ko ang aking sarili at makita ko ang aking pagkakamali.

Ang mga nakalipas ay nagmarka sa akin at nagmistula kong gabay sa kasalukuyan. Hindi ko na hinangad na mabigo, masaktan at higit sa lahat ay makasakit muli ng kalooban. Natuto akong maging sensitibo sa aking mga nakikita at naririnig dulot ng aking mga nakaraan.

Naranasan ko kung paano ang manakit ng kalooban ng ilan.

Naranasan ko kung gaano rin kasakit ang masaktan maging sa salita ng ilan, ang mabigo sa iyong hinahangad at ang mawasak ang iyong pinakakaingatan.

Sa mga karanasang ito ay naunawaan ko ang damdamin nang nakararami. Mahirap pala ang pinag-uusapan ka, maging tampulan ng panunukso o pangangatiyaw at alipustahin ka dahil sa iyong kahinaan at kapintasan. Minsan kailangan mo IKUBLI sa iyong mga ngiti ang tugon ng iyong negatibong damdamin sa kagustuhan lamang na makaiwas at hindi humaba ang diskusyon.

MALI! Pero ito ang iisipin mo na makakabuti minsan. Sapagkat hindi natin saklaw ang takbo ng pag-iisip ng ilan.

Ang pag-iwas ay hindi lahat nangangahulugan ng karuwagan. Bagkus ng pagpapakita ng lawak ng dunong na natutunan sa loob ng eskuwelahan.

Respeto sa kapwa ang una kong natutunan. Igalang ang indibidwal na kaibahan. Huwag gawing batayan ang sarili sa pagkilala sa ilan. Huwag sukatin ang layo ng iyong hakbang sa ilan sapagkat baka maligaw ka.

Sa bawat hakbang ko sa kasalukuyan ay sinikap kong maging maingat, Hindi ako naghangad na maging perpekto sa mata nang nakararami. Bagkus ang hangad ko ay maibalik ang tiwala at respeto na aking pinakakaingatan.

Hindi ito isang panunuligsa sa pangkalahatan. Ito ay obserbasyon lamang sa mga ilan na nagbabalatkayo at nagkukubli sa anyo ng simbahan, mga taong nagrorosaryo araw-araw, mga taong bukambibig lagi ang Diyos. Ngunit kapos sa pagsasabuhay.

Mas makakabuti pa nga minsan na kasama mo ang mga taong bihira magdasal o magsimba, ‘yun bang mga tinatawag na minsan ay “taong-pasaway sa mundo” sapagkat sila mismo ang totoo sa kanilang sarili. Kesa sa mga taong madalas sa simbahan at madalas mag-antada pero malalansa ang mga salitang lumalabas sa kanila.

Sabi nga nila, mas matinong kausap ang mga taong hawak ay bote at sigarilyo kesa sa mga taong ang hawak ay bibliya at rosaryo. Sapagkat sila ang mga taong higit na nagpapakatotoo sa kanilang sarili. Sila iyong mga taong walang pag-aalinlangan.

Ang mga taong paladasal ay maituturing ko sanang masasandigan sa aking paghakbang muli sa pagbabago. Akala ko sila ang MAKAKAUNAWA sa aking KAHINAAN at KAPINTASAN ngunit taliwas pala. Pagpipiyestahan pala nila ang iyong nakaraan, at kung anong meron ka. Sa halip na tulungan at unawain ka ay nagiging PAKSA ka ng kanilang huntahan….ng kanilang usap-usapan.

Mas napapansin ko na sa halip na maging katuwang ko sila sa aking pagbabago ay tila NABUBUHAY ang POOT at GALIT sa aking dibdib. Mas lalo akong natututong magtanim ng sama ng loob o makapagsalita ng laban sa kanila pag hindi na kaya.

Ngunit, minsan, naisip ko na masarap ITAWA o INGITI ang mga parunggit ng ilan laban sa iyong kapintasan. Sa halip na dalhin ito sa dibdib na magpapabigat lang ng iyong kalooban.

Mas higit kong napatunayan na ang mga taong ito ay puno ng insekuridad sa kanilang sarili. SIla ang mga tipo ng taong nalilimitahan ang sarili sa pakikiharap sa tao. Pero ‘ika nga "kailanman ay hindi maitatago ang natural na pagkatao kahit naka-abito ka pa".

Masarap maging bahagi na naglilingkod sa simbahan. Masarap ang nagdarasal araw-araw, ngunit kailangan ay mula sa puso at isinasabuhay…hindi NANGWAWASAK at NANAKIT ng damdamin ng ilan.

No comments:

Post a Comment