Sexual Liberation! Ito ang kalakaran sa kasalukuyang panahon.
Isang hamon ng pagbabago sa makalumang tradisyon na mahirap sang-ayunan ng
bansang hindi mulat sa ganitong pagkakataon. Sapagkat higit natin na
pinaniniwalaan ang sagradong pag-iingat sa kapurihan ng mga kababaihan kesa sa sandaling init ng katawan na kaakibat nito
ang isang pagsisisi.
Hindi natin maikakaila na ilan lamang ito sa mga karanasan ng
ilan nating mga kababaihan, partikular ang mga nasa murang edad.
At bilang pagpapatunay na maraming kababaihan ang naging biktima
ng maling pagkakataon sa buhay nila. Sapagkat namulat sila sa maling oryentasyong
sekswal. Hindi ko alam kung dapat ko bang ipukol sa kanila ang kamalian dahil
sa “katangahan” nila. O sadyang dapat ko silang unawain sapagkat ang sinasabi
kong katangahan na iyon ay taliwas sa dapat kong isipin. Sapagkat ang
katangahan na iniisip ko ay katumbas ng kanilang buong pagtitiwala at
pagmamahal na sinuklian ng mali ng mga taong mapagsamantala.
Nakakaawa ba sila?..Sa ibang bahagi ng buhay nila ay masasabi
nating “Oo” sapagkat hindi sila naging maingat sa mga desisyon na kanilang
ginagawa.
Ngunit, mas higit na nakakaawa ang mga taong mapagsamantala sa kahinaan ng mga
kababaihan. Sapagkat sila ang mga duwag sa pagharap sa kanilang responsibilidad.
Sila iyong mga taong walang direksyon ang buhay. Sila ang mga taong walang
pagmamahal at paggalang sa mga kababaihan.
Hindi ba sila natatakot sa mga bagay na kanilang ginagawa?
Ang paglaruan ang kababaihan? Ang lapastanganin ang kanilang kahinaan bilang
babae?
Hindi ba nila nasasalamin sa kanilang buhay ang kanilang ina?
Kapatid na babae? O maging ang asawa nilang babae?
Ang pagwasak sa dangal ng isang babae ay katulad din ng
pagwasak sa kanilang pinapangarap na magkaroon ng magandang kinabukasan.

Di natin maikakaila na maraming kabataang babae ang halos
biktima nang ganitong karanasan o ganitong oryentasyon. Ito nga siguro ay bunga
ng kanilang kapusukan. O sadya lamang naimpluwensyahan sila ng maling kalakaran
ng ating lipunan.
Kaya nga dapat ay maunawaan ng ilan na may malaking gampanin ang
pagpasok sa tinatawag na ugnayang sekswal sa murang edad, babae ka man o lalaki. Hindi dapat maging padalus-dalos
sa desisyon o ayunan ang libog sa katawan. Ang kapurihan ay dapat na iniingatan
lalo’t higit ay may mga taong mapagsamantala at may mga taong mapanghusga.
Idagdag mo pa ang ating paligid na hindi marunong makaunawa.
At kahit na namumuhay tayo sa modernong panahon na may
malawakang pag-unlad sa teknolohiya ay hindi nangangahulugan na madaling tanggapin
ng lipunan ang maling oryentasyong sekswal sa murang edad, anuman ang kasarian. Dapat nilang maunawaan at maintindihan ang naghihintay na pasanin sa
kanilang gagawin- ang magkaroon ng mabigat na responsibilidad bilang tao.