About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Thursday, November 12, 2015

CREDIT CARD: UTANG MO, TINATAKASAN MO



Astig!

Iyan ang dating sa iyo nang ilan sa mga nakakakilala sa iyo kapag mayroon kang credit card. Nangangahulugan lamang na may kapasidad kang makapagbayad batay sa iyong sinumiteng buwanan o taunang sahod sa bangko. Aprubado ka!

Kung sabagay, hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng ganitong oportunidad. Sapagkat hindi lahat ay kumikita nang katulad nang iyong nararanasan. May sapat na kinikita at may ipantatapat agad sa kung anuman ang nagastos o nautang mula sa kung saan man na pamilihan o alinmang establisyemento.

Maaaring ang iba ay nag-aasam rin na magkaroon nang katulad nang iyong nararanasan. Hindi naman masama, pero mas makakabuti na huwag na nilang naisin sapagkat magiging dagdag lamang ito sa pasanin nila lalo pa’t kung magkakaroon ng kawalan ng disiplina sa sarili.

Ano nga ba ang meron sa Credit Card? 

Malaking tulong ang credit card sa mga di inaasahan na mga pangyayari lalo’t higit kung wala kang sapat na salapi sa iyong bulsa. Ito ang posibleng solusyon na PANSUMANDALI. Ngunit kaakibat nito ang pagpapaalala na ito ay UTANG, iyong INUTANG at dapat mong BAYARAN. Samakatwid, iikot lang ang iyong pera sa tulad ng mga ordinaryong tao na may pang-araw-araw na gastusin na walang credit card. Ang kaibahan lamang ay bumibili sila nang naaayon lamang sa kung ano ang meron sa kanilang palad. Hanggang doon lamang. May limitasyon. Hindi lumalabis sa tinatawag nilang “budget” mayroon sa kanilang kamay o bulsa.

Napakaswerte mo sapagkat may kakayahan kang mangutang at may kapasidad ka rin na makapagbayad ayon sa iyong dineklara sa bangko. Ngunit ang bawat perang inuutang ay dapat nailalagay sa tama. Nagiging masama lamang ito kapag mali ang iyong pinagkakagastusan at nakakalimot ka sa iyong responsibilidad.
Ngunit, kung ang bawat pangungutang ay humihigit pa sa iyong pinagkukunan ng ikinabubuhay, ito ay hindi na nakakabuti sa iyo. Nagiging maling hakbangin na ito. Itinutulak mo ang iyong sarili sa isang bagay na mahirap masolusyunan. Sa halip ito ay iyong tinatakasan. 

Madalas nakakalimot tayo sa ating limitasyon bilang tao kung hanggang saan lamang ba ang puede nating gawin batay sa tinatawag nating “means” sa ating buhay.
 
Minsan nga ay naitanong ko sa aking sarili, kung ikaw ba ay pinaghehele ng iyong kunsensya sa tuwing gabing natutulog ka. At kung natutuwa kang makita na ang mga bagay sa iyong paligid ay mula sa mga obligasyong iyong tinakasan. 

Hindi mo ba napansin na wala kang pinagkaiba sa ikinayayamot mong mga pulitiko ng bansa? Hindi mo ba napansin na tulad ka rin nila na nanloloko at nagnanakaw?