Ang isang mabuting relasyon daw ay nasusukat sa haba ng inyong tunay na pagkakaibigan.
Hindi ko maikakaila na halos lahat ng mga taong sumuong sa relasyon ay nabuo lamang sa isang simpleng pagkakaibigan na nauwi sa totoong pagmamahalan.
Kung babalikan nga natin at sasariwain ang buhay natin sa panahon ng ating kabataan, katuwang ang taong naging kabiyak na ng ating buhay ay napakasarap balik-balikan…ngunit may ilan naman na ayaw nang sariwain at balikan dahil sa maling pagmamahal…
Sadya nga bang mapaglaro ang tadhana? O di lang tayo marunong makipaglaro kaya agad-agad tayong sumusuko?
O sadya lamang binulag tayo ng mga maling pagkakataon sa buhay natin?
Kaya nga minsan ay natanong ko sa aking sarili, paano mo ba sasabayan ang laro ng tadhana kung ang mismong kalaro ay ayaw ng makipaglaro?
“Hayyyyyy” …ang madalas nating nasasambit pag pumapalya tayo sa maling desisyon na ating ginawa.
Ngunit, kaalinsabay ng ating malalim na bunting-hininga ay ang muling pagbangon at pagharap sa inaasam sa susunod na maaaring sumugat ng ating puso o dili kaya ay tuluyang magpapahilom ng sugat na iniwan ng isang nakaraan.
Sa bawat pagtibok ng puso ay kaakibat nito ang timyas ng pagmamahal at pag-asang makakaagapay sa problemang idudulot ng hamon ng pagmamahal. Iyong handa tayong makipaglaro. Na kapag alam natin na nahihirapan na tayo ay natututo tayong magsagwan upang ibalanse ang mga bagay na alam nating magpapabigat lang sa lalim ng pagmamahal na sinisikap na buuin.
Walang perpektong relasyon.
Ngunit may taong handang gawing perpekto ang lahat , huwag lang mawasak ang nasimulan.
Kung ang bawat pangyayaring nagaganap ay tinitignan natin bilang isang pasanin sa atin ay hindi magiging progresibo ang lahat. Bagkus, magsisilbi pa itong matinding sugat o lamat upang tuluyang mabuwag ang binuong pundasyon ng pagmamahal.
Kadalasan pa nga, madamot tayo sa Katapatan para sa ating sarili…
Bakit kaya?
Kabawasan ba ng ating pagiging tunay na lalaki o babae ang pagiging tapat?
O sadyang takot lang tayo na harapin ang katotohanan na nakagapos tayo sa sinumpaang pagmamahalan sa harap ng altar at ng Diyos?
Huwag lang sana dumating sa punto na sa iyong pagsagwan ay malunod ka at magkamali ka ng iyong pagsagip… na sa bandang huli ay pagsisisihan mo ang bangungot na ikaw mismo ang may gawa.