Tandang-tanda ko pa, sa musmos na edad ko ay binigyan ako ng maraming pagkakataon ng aking magulang na makapaglaro..Ngunit nung magkaroon na ako ng sapat na pag-iisip ay nilimitahan na nila ang oras ko.
Sinuong na nila ako sa mga gawing-bahay na sa halip na sa mga panahon na iyon
ay inilalaan ko ang bawat oras sa buhay ng aking pagiging bata- ang makipaglaro
at samantalahin ang kasiyahang dulot ng paglalaro kasama ng mga batang tulad ko.Idagdag pa ang araw ng
linggo na paggising nang maaga upang magsimba na iyon na nga lamang sana ang
pagkakataon upang makapaglaro.
Akala ko nung tutuntong na
ako sa unang hakbang ng pagkatuto sa elementarya ay magkakaroon na ako ng
malaking puwang sa paglalaro. Malaya!. Sapagkat nasa labas na ako ng aming
tahanan at di abot-tanaw ng aking magulang. MALI pala! Mas lalong nalimitahan
ang oras ko sapagkat may guro akong tagamasid sa amin sa loob ng silid-aralan.
Bumasa, sumulat, makinig at magsalita. Iyan ang araw-araw na ginagawa namin sa
loob ng silid-aralan. Iba-ibang paraan nga lamang o estratehiya ng pagkatuto.
Samakatwid, hindi ako natuwa
sa naging resulta ng inaakalang kalayaan ko nang magsimula akong tumuntong sa
elementarya. Mas higit na naging limitado ang oras ko sa paglalaro. Mas higit
na ibinuhos ng magulang ko ang aking atensyon sa pagbabasa at pagsusulat.
“Nakakabagot!” Iyan ang madalas na nagiging reaksyon ko sa aking sarili na
hindi ko masabi sa harap ng aking magulang. Bagkus naging sunud-sunuran ako sa
mga bagay na gusto nilang gawin ko.
Hayskul!...Sabi nila, ito ang
pinakamasayang buhay sa parte ng mga kabataan at mga mag-aaral. Ngunit parang
hindi ko naramdaman ito. Sapagkat sa buong maghapon ay nasa loob ka lamang ng
eskuwelahan at silid-aralan upang makinig sa iyong mga guro at makibahagi.
Matapos ang maghapong pakikinig, pagsusulat at pakikibahagi ay kinakailangan ko
nang magmadali sa aking pag-uwi at kailangan na makarating sa bahay sa
itinakdang oras sapagkat kung hindi ay sandamakmak na sermon ang aabutin ko
mula sa aking ina at kung mamalasin ka pa ay palo ang aabutin mula sa aking
ama.
Ang aking ama ay ang higit
kong pinangingilagan sapagkat bihira lamang siya magalit pero kapag nagalit ay
mag-iiwan talaga siya ng marka na iyong pakakatandaan!
Ang aking ina ay nagagawa ko
pang lambingin kahit hindi ako nakatupad sa oras na itinakda ng aking pag-uwi o
dili kaya ay di ko nagampanan ang responsibilidad na inatang niya sa akin. Iba
talaga ang puso ng isang ina…
At matalino talaga ang Diyos.
Kasi pinagsasama niya ang mag-asawang taliwas at may magkaibang paraan ng
pakikinig, pagpaparamdam ng pagmamahal at paraan ng pag-aaruga sa mga anak.
Nung tumuntong ako ng
kolehiyo, unti-unti ko nang nararanasan ang kalayaan na magdesisyon at gumawa
nang naaayon sa aking kagustuhan. Sapagkat pakiramdam ko ay nasa hustong edad
na ako. Lalo’t higit nang unang pumanaw ang aking ama.
Pero sa kabila nang kalayaang
iyon ay nandun pa rin ang makulit kong ina na nagsesermon sa akin. Nandun pa
rin ang paulit-ulit na pagtawag o pag “txt” sa akin “anak, anong oras ka uuwi?”.
Nandun pa rin na pinagagalitan ako kapag uuwi akong nakainom, lasing, naninigarilyo o amoy sigarilyo.
Minsan,natanong ko sa aking sarili “di naman na ako bata para sermunan at
bantayan lagi sa aking pag-uwi”. Kaya lang di ko masabi sa aking ina. Di ko
alam kung bakit?
Nang makatapos ako ng
kolehiyo at makahanap nang maayos na trabaho ay higit akong nagpakalaya sa
buhay. Sapagkat may inaasahan na akong sweldo buwan-buwan na hindi ko na
kailangan humingi ng “allowance” kay ina. Nagagawa ko ng bilihin ang mga bagay
na nais ko at ang masunod ang bisyo ko…at sumabay sa agos ng modernong panahon ng mga kabataan. Pero, nandiyan pa rin ang aking ina na
walang kasawa-sawang nagsesermon.
Ngunit sa pagpanaw ng aking
ina dahil sa malubhang karamdaman. At sa pagkakaroon ko ng sariling pamilya. Marami akong natuklasan at
naunawaan. May magandang dahilan pala ang aking ama’t ina sa paraan ng
pagpapalaki sa akin. Ngayon ko napatunayan at naunawaan na ang lahat nang iyon
ay para sa AKIN. Ngayon ko rin nararanasan at naiintindihan ang damdamin nila
bilang magulang para sa mga anak.
Kung nung bata ako ay mas nais
nilang ilaan ko ang aking oras sa pag-aaral kesa sa paglalaro ay upang maihanda
pala nila ako sa aking hinaharap. Sapagkat kapag nawala na sila ay makakaya kong
tumindig ng nag-iisa dahil sa disiplina at sa karunungang naituro nila sa akin
at ng paaralang humubog sa aking buong pagkatao.
Ngayon ko lamang natuklasan
na kaya pala maaga akong sinanay ng aking ama at ina sa mga gawaing-bahay upang lumaki akong
responsable sa buhay na hindi iaasa ang gawain sa iba. Ang matutong kumayod at
magsikap. Magkaroon ng sariling pagkukusa sa pagharap sa mga gawain. Na hindi
tinatalikuran ang mga obligasyon sa buhay araw-araw.
Nauunawaan ko na rin ang
dahilan kung bakit madalas akong
pinauuwi ng aking ama at ina sa oras na kanilang itinakda sapagkat gusto nilang
mapanatag ang kanilang gabi sa pagtulog na kumpleto kaming buong pamilya. Gusto
nilang makasiguro na nasa maayos kaming kalagayan.
Ang bawat SERMON pala ng
aking ina ay isang pagpapaalala para sa anak at hindi isang pambubunganga
lamang.
Ang bawat palo pala ni ama ay
hindi palo ng poot o galit kundi palo ng pagmamahal. Na sa kabila nang aking
kasiyahan sa gabi kasama ang barkada ay nababalot pala siya ng pangamba at
pag-aalala. Kaya pala minsan matapos niya akong paluin ay nakikita kong
iniluluha niya ito ng palihim.
Natuklasan ko ang dahilan kaya pala paulit-ulit kaming
nagdarasal gabi-gabi at nagsisimba linggo-linggo ay para patuloy na
magpasalamat sa Diyos sa bawat segundo ng buhay na ipinagkakaloob Niya sa amin.
At gayundin sa pagkakaroon namin ng biyayang natatanggap. Higit sa lahat,
ipinakilala ng aking ama at ina ang Diyos sa akin upang maunawaan ko ang buhay at magkaroon ako ng takot sa aking sarili at
makilalang rumespeto sa tao - anuman ang antas ng pamumuhay o lahi at higit sa
lahat igalang ang anumang bagay.
At kung anuman ang narating ko
ngayon ay hindi dahil lang sa akin… Kundi sa mahusay na pagpapalaki at paghubog
sa akin ng aking ama at ina bilang ako na kanilang anak na ikasisiya!
Nakakasiguro ako, labis ang
kasiyahan ng aking ama at ina sapagkat napagtagumpayan nila nang maayos ang
tungkulin nila bilang magulang sa kanilang mga anak bago man lang sila pumanaw…Ang
maiwasto ang higit na makabubuti at magkaroon ng anak na maipagmamalaki!