About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Saturday, March 8, 2014

Ang Sarap Maging Bata



Mabilis ang pag-usad ng panahon…



Parang kailan lang ay nabibilang lang ako sa mga batang nagtatampisaw sa labas ng bahay sa panahon ng tag-ulan. Hindi alintana ang lamig at babad na katawan..Sa mga panahong malakas ang buhos ng ulan, ang mahalaga nang oras na iyon ay ang kasiyahang dulot ng pagtatampisaw at paglalaro kasama ang mga batang kaibigan..


Nakakatuwang isipin ang buhay sa panahon ng pagkabata. Walang problemang dinadaing. Hindi mo aalalahanin ang pera, ang pagkain at ibang iyong naisin. Sapagkat madalas nakahain na at kusang-loob na binibigay ng ating magulang.

Mga prinsipe at prinsesa kung tayo ay maituring; Kain-laro-tulog, diyan lang madalas na umiikot ang buong buhay pagkabata natin. Walang kapaguran sa paglalaro.
  
Hindi lang tayo maituturing na prinsipe at prinsesa sa loob ng ating tahanan. Maging sa loob ng paaralan ay maituturing na tayo pa rin ang bida. Sa paaralan natin natagpuan ang ating ikalawang magulang na nagturo rin sa atin ng pagsulat at bumasa hanggang sa matuto at maunanawaan natin ito. Sila ang matiyagang umaalalay sa atin sa buong maghapon sa loob ng paaralan. Baon nila palagi  ang haba ng pasensya dahil sa ating kapilyuhan at kakulitan. Ang tanging hangad nila ay maibigay ang makabubuti sa atin; ang matuto at magkaroon ng magandang kinabukasan. Pero, sa mga panahon na iyon ay di natin napahahalagahan ang biyayang kaloob nila. Sapagkat mas higit na nakatuon ang atensyon natin sa ligayang dulot ng pagkabata - bagong kakilala, bagong kaklase at bagong kalaro.

Kailan lang ba natin naunawaan ang lahat ng ito? Kailan lang ba natin napahalagahan ang lahat ng pagod  ng ating mga guro lalo na ng ating mga magulang?


Nakakatuwang-balikan ang ang ating kamusmusan, lalo’t ang pakikipag-away ko noon sa mga larong teks kapag alam kong ginugulangan ako ng mga kalaro ko. Ang larong “tatsing-raner” na tila walang kapaguran sa pagtakbo na kahit nadapa na ay takbo pa rin pero mamaya ay iiyak na dahil sa hapdi ng sugat..Isama mo pa diyan ang pandurugas sa larong patintero na kahit nataya na ay sasabihin na “hangin iyon e (galit ka pa nun)”. .Lulusot pa ng katwiran para masabi na hindi nataya. Maski ang tumbang-preso na na nagbibigay ingay dahil sa kalantsing ng tunog ng lata, ang piko na paunahan ng bahay o "star", ang taguan na minsan ay kasabwat na rin natin ang mga matatanda para itago tayo,  ang luksong-tinik na halos liparin na natin ang mataas na mga patung-patong na paa't kamay ng ating mga kalaban..at siyempre ang langit-lupa ay iilan sa mga larong di ko malilimutan. Naaalala ko pa ang awitin ng larong Langit-lupa, "langit-lupa, impiyerno..im-im-impiyerno..(at kung kanino matapat ay siya ang...) TAYA ka! Sabay takbuhan na sa matataas na lugar. Isama mo pa diyan ang larong bahay-bahayan . At sino ba naman ang hindi makakalimot sa larong SYATO na kung mamalasin ka at di ka marunong sumalo ay TAPOS ka!..Kaya ako, ayun, bukol ang kinalabasan ko at nagmukha tuloy akong Unicorn ng tamaan ako sa noo..Ang mga larong Bangka-bangkaan sa pusalian na hindi alintana ang mabahong amoy - umulan man o umaraw. Ang nakatutuwang paligsahan sa mabilis na pag-arangkada at paglubog ng bangkang papel.. Ang pagpapalipad ng eroplanong papel na labis nating ikinatutuwa..

Pero, isang bagay lang ang nakakapagpatigil ng paglalaro ko -  Ang boses ng aking magulang  na tinatawag ang pangalan ko at kasunod ang ”pssssst” na pagtawag ng aking ama. Mabilis pa ito sa isang minuto. Kailangan kong  magmadali na umuwi ng bahay dahil kung hindi ay sandamakmak na sermon aabutin at kung mamalasin ka pa ay palo at pingot sa tenga o kurot sa singit...aguy!

Di ko naman maikakaila na  mas maraming oras ang ginugugol ko noon sa paglalaro kesa sa tumulong sa gawaing bahay. Kahit na hindi na kaaya-aya ang amoy ko bunga ng matinding pawis at dumi sa paglalaro ay tila wala akong pakialam...At kahit na minsan ay kinukuto na ako...dedma lang..

Ngayon ko lamang napagtanto, ang sarap talagang maging bata. Walang problemang dinadaing. Walang iniisip na alalahanin para sa pamilya. Hindi mo poproblemahin ang iyong kakainin sa umaga, tanghali, hapunan at maging sa meryenda. Hindi mo problema ang paglalaba ng iyong damit na puno ng mantsa at dumi. May kalayaan kang gawin na saklaw ng iyong pagkabata. Natutulog ka na wala kang iniisip na alalahanin kahit hindi pa kumpleto ang inyong pamilya sa loob ng tahanan.

Hayyy…ang bilis ng panahon…

Hindi na pala ako bata..Ako ay katulad na nang aking magulang na humaharap sa napakaraming responsibilidad at suliranin sa buhay.

Kaya lang nagtataka ako, bakit noong bata tayo kapag may nang-away at may nanakit sa atin, ilang araw lang ang lumipas ay bati na agad na parang walang nangyari?

Pero bakit ngayon kapag may nang-away sa atin o nanakit ay ang hirap makipagbati? At ang hirap silang patawarin at kalimutan?

Ngayon ay naunawaan ko na, napakasarap talagang maging bata.









No comments:

Post a Comment