“Dapat ganito ang gawin mo...”
“Ito ang dapat mong binili…”
Ilan lang iyan sa mga nakakatuwang marinig sa mga taong akala
mo ay mapagmalasakit.
Masarap pakinggan.
Noong una ay hindi mo iisipin ang anumang negatibo kaugnay sa
kanyang mga napapansin. Sapagkat ang higit na
mangingibabaw sa iyo ay ang kanyang mabuting pagmamalasakit. Lalo pa’t
kung iisipin mong ang taong iyon ay higit na nakakatanda sa iyo. Sapagkat
minsan alam mo na siya ay eksperyensado. Mas maalam, mas may higit na karanasan. Kaya sa kabuuan, kung may mga negatibo man siyang napapansin ay
iisipin mong makakatulong ito upang mapabuti pa ang mga bagay na iniisip mong mayroon
kang kakulangan.
Kaya lamang ang madalas na pagmamasid sa bawat kilos o galaw
ng tao; sa kanyang pananamit, pagkain at iba pa ay tila kalabisan na. Tila
gusto na niyang imaniubra ang buong buhay ng ilan. Nagdudunung-dunungan. Medyo
kapansin-pansin na…Hindi na pangkaraniwan. May pinaghuhugutan na nang malalim.
Ito ay intensyon na pananadya at pagmamalabis na.
Ang panghihimasok sa buhay ng iba ay hindi na nagiging
kaaya-aya, bagkus winawasak nito ang mabuting pakikitungo. Sinisira nito ang
mabuting pagkilala. Naglalaho ang kawalan ng respeto sa indibidwal na
pagkakaiba.
Mabuting pakinggan ang suhestiyon kung mismong ang taong iyon
ay kakikitaan ng pagiging mabuting ehemplo. Yung isinasabuhay niya ang kanyang
mga sinasabing suhestyon.
Ngunit???
Taliwas ang lahat!
Madalas sila pa ang sumasalungat. Mas nagiging agresibo. Mas
nagiging abusado.
Ang kritisismo minsan ay higit na nakakatulong sa isang tao
bilang indibidwal pero kung ang bawat galaw, pananamit at kinakain mo ay
binibigyan ng puna ay tila kalabisan na. Hindi na ito nakakatulong, bagkus
lumilikha na ito ng maling interpretasyon na nagbubunga ng negatibong damdamin.
Kaya minsan tuloy ay naglalaro sa isipan natin kung ano nga
ba ang pinaglalaban niya.
Ito ba ay inggit? o pagkayamot?
Ito ay katanungan lang na naghahanap ng mabuting kasagutan.