About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Thursday, April 23, 2015

Isa ka nga bang Pakialamero?

“Naku, dapat hindi ka kumakain ng ganyan kasi kaunting sustansiya lang makukuha mo diyan”

“Dapat ganito ang gawin mo...”

“Ito ang dapat mong binili…”

Ilan lang iyan sa mga nakakatuwang marinig sa mga taong akala mo ay mapagmalasakit.

Masarap pakinggan.

Noong una ay hindi mo iisipin ang anumang negatibo kaugnay sa kanyang mga napapansin. Sapagkat ang higit na  mangingibabaw sa iyo ay ang kanyang mabuting pagmamalasakit. Lalo pa’t kung iisipin mong ang taong iyon ay higit na nakakatanda sa iyo. Sapagkat minsan alam mo na siya ay eksperyensado. Mas maalam, mas may higit na karanasan.  Kaya sa kabuuan,  kung may mga negatibo man siyang napapansin ay iisipin mong makakatulong ito upang mapabuti pa ang mga bagay na iniisip mong mayroon kang kakulangan.

Kaya lamang ang madalas na pagmamasid sa bawat kilos o galaw ng tao; sa kanyang pananamit, pagkain at iba pa ay tila kalabisan na. Tila gusto na niyang imaniubra ang buong buhay ng ilan. Nagdudunung-dunungan. Medyo kapansin-pansin na…Hindi na pangkaraniwan. May pinaghuhugutan na nang malalim. Ito ay intensyon na pananadya at pagmamalabis na.

Ang panghihimasok sa buhay ng iba ay hindi na nagiging kaaya-aya, bagkus winawasak nito ang mabuting pakikitungo. Sinisira nito ang mabuting pagkilala. Naglalaho ang kawalan ng respeto sa indibidwal na pagkakaiba.

Mabuting pakinggan ang suhestiyon kung mismong ang taong iyon ay kakikitaan ng pagiging mabuting ehemplo. Yung isinasabuhay niya ang kanyang mga sinasabing suhestyon.

Ngunit???

Taliwas ang lahat!

Madalas sila pa ang sumasalungat. Mas nagiging agresibo. Mas nagiging abusado.

Ang kritisismo minsan ay higit na nakakatulong sa isang tao bilang indibidwal pero kung ang bawat galaw, pananamit at kinakain mo ay binibigyan ng puna ay tila kalabisan na. Hindi na ito nakakatulong, bagkus lumilikha na ito ng maling interpretasyon na nagbubunga ng negatibong damdamin.

Kaya minsan tuloy ay naglalaro sa isipan natin kung ano nga ba ang pinaglalaban niya.

Ito ba ay inggit? o pagkayamot? 

Ito ay katanungan lang na naghahanap ng mabuting kasagutan.


No comments:

Post a Comment