About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Monday, May 9, 2016

Salamat Sen. Miriam Defensor Santiago






Hindi ko alam kung bakit ako nasasaktan at naaapektuhan ng labis sa mga nakikita kong parsyal na resulta ng halalan laban sa iyo madam Sen. Miriam Defensor Santiago.


Kusang dumaloy ang luha ko sa aking mga mata. Pakiwari ko ay nawalan na naman ako ng isang Ina na tagapagtanggol at tagapagpaalala.Pakiramdam ko itinakwil ka ng iyong mga anak.
 

Hindi ko maubos maisip ang daglian pagkalimot ng mamamayang Pilipino sa iyo. Hindi ko maubos maisip kung bakit ikaw ang nasa huli ng talaan. 

Nakalimutan na ng tao ang iyong talino, tapang at pakikipaglaban sa senado at kongreso laban sa katiwalian at korupsyon. Nakalimutan na nila ang iyong naiambag na mga batas para sa bayan. Ibinaon na yata nila sa limot ang iyong husay. Dumaan lamang na parang isang iglap ang lahat. Nakakalungkot. Pakiramdam ko ay pinabayaan ka na ng iyong mga anak matapos mo silang kupkupin at proteksyunan.

Hindi ko maintindihan ang lahat ng mga nangyayari sa kasalukuyan. Ito ba ay laban ng popularidad kontra sa husay na kredentsyal at talaan ng iyong kahusayan at pagkatao?

Ang higit ko lang naiintindihan at nauunawaan ay nais mong gawing mabuti at malinis ang bansang Pilipinas. At higit kong nauunawaan ang iyong mabuting hangarin para sa amin.

Wala kang ibang hinangad para sa iyong sarili bagkus ang mapaglingkuran lang kami at ang bayan.
 
“Our mom dedicated her life into serving the nation. If we are to be asked, we would not want her to run for the Presidency again so she can enjoy her retirement. But she said sickness will not stop her from her goal of uplifting the lives of our countrymen. Sayang naman daw po pinag-aralan niya, ang lahat ng mga nalalaman niya, lahat ng mga aral na natutunan niya sa buhay kung hindi niya maipapamahagi sa bayan”-  Mechel Santiago, daughter-in-law of Sen. Miriam Defensor Santiago.

 
Sa kabila ng iyong karamdaman ay nagawa mo pang pagsilbihan kami sa halip na ilaan ang nalalabing panahon para sa iyong sarili at sa iyong sariling pamilya. Maaaring ang ilang mamamayang Pilipino ay takot silang mawala ka nang maaga na hindi mo matapos ang iyong termino kaya hindi ka nila nais na ihalal. Pero hindi nila inisip ang maaaring mangyari kapag hindi ka nila nailuklok sa pwesto. 

Marahil, alam din nila na ilang mga tanyag na opisyales at mga tao sa ibang bansa ang dumaan din sa mabigat na karamdamang tulad mo at ito ay kanilang napagtagumpayan .Higit pa rin na pinagkatiwalaan at kinikilala ng sandaigdigan. Pero sa atin? Masakit ang hatol ng kanilang mga salita. Masakit ang kanilang panghusga. Kahit na sinasabi at pinapagtunay mo na ang kawastuhan ng iyong kalusugan ay tila mas higit nilang pinaniniwalaan ang sinasabi ng ilan. Sila na ang humahatol sa iyong buhay nang higit pa sa Diyos na may alam.

Nakakasama ng loob na buhay ka pa ay tinutuldukan na nila ang iyong buhay. Pakiwari ko ay wala ka ng silbi sa kanila matapos mo silang mapaglingkuran, matapos mo silang patawanin sa iyong mga “pick-up lines” at matapos mo silang paligayahin sa iyong pakikipaglaban sa kongreso sa ngalan namin.

Hindi ako lehitimong maalam sa batas at walang hilig sa batas. Ngunit, ikaw ang nagbigay ng impluwensiya sa akin upang unti-unti kong maunawaan ang mga batas at kilalanin ito. Ikaw yung higit na nag-impluwensiya sa akin simula nang mag-ingay ang pangalan mo sa mundo ng pulitika. Matapang, Matalino, Mahusay, Tanyag at higit sa lahat may Pusong Ina

Nagsilbi kang inspirasyon sa akin at sana magsilbing inspirasyon ka rin sa ibang mamamayang Pilipino na sa kabila ng iyong karamdaman ay handa mo pa rin paglingkuran ang bayan.

Hindi ka man nailuklok sa pwesto bilang Pangulo ng Pilipinas, kaisa mo pa rin kami na higit na nagtitiwala sa iyong adhikain. Patuloy na magdadasal at magpapasalamat na mayroong Miriam Defensor Santiago na naging huwaran at handang pagsilbihan ang sambayanang Pilipino.

Pasensya ka na madam, we failed you.

But you are still our best President that we never had.



"HINDI KO ISINANGLA ANG KALULUWA KO AT KAILANMAN HINDI KO ISASANGLA ANG BANSA KO."- Miriam Defensor Santiago

 



I don’t have as much money as my rivals. All I have to bank on is the love of the youth; their idealistic support for me without asking money. I only have my volunteers.”- Miriam Defensor Santiago







No comments:

Post a Comment