About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Wednesday, August 28, 2019

Assignment? Malaking isyu ba ito para sa mga mag-aaral at mga magulang?




Lumaki kaming magkakapatid na namulat sa araw-araw na paggawa ng assignment simula elementarya pero ni minsan ay di ko narinig na dumaing ang aming magulang sa mga takdang-aralin na binibigay ng aming mga guro at paaralan. Sa katunayan, kapag wala nga kaming assignment ay nagagalit pa magulang namin. Minsan, may pagdududa pa nga sila. 


Kapag napatunayan nilang wala talaga kaming assignment, ay hindi nila kami pinahihintulutan na maglaro o maglibang, maliban na lamang kapag araw ng sabado at linggo. Gusto nilang maging mahalaga ang bawat oras namin. Pinagbabasa nila kami ng mga libro o dili kaya’y tinuturuan nila kami sa matematika at agham. Minsan nga ay napapalo pa kami kapag mali ang sagot namin o kaya ay mali ang pagbigkas namin sa wikang ingles. 

Noong una, bilang batang isipan ay hindi ko naintindihan yung halaga ng pinaggagawa sa amin ng aming magulang. Yung pinagbabasa pa rin kami sa bahay o kaya minsan ay ginagawan pa kami ng test paper para aming sanayin o sagutin. Gayung sa paaralan ay ginagawa na namin iyon.

Akala ko noon, masyadong mahigpit o sadyang strikto lang magulang namin.

Pero di naglaon, napatunayan ko ang halaga ng bawat takdang-aralin na ibinibigay sa amin ng mga guro. Mas nagkaroon kami ng pagpapahalaga sa oras, nagiging responsable at may pagpapahalaga sa lahat ng bagay. Ang karunungan namin ay naging dagdag karunungan at kaalaman din sa aming mga magulang. Bakit kamo? Sapagkat mismong magulang namin ay may mga natutuklasan silang mga bagong kaalaman mula sa aming mga guro sa pamamagitan ng takdang-aralin. Minsan natatawa sila sapagkat hindi rin nila alam yung aralin. Natututo na rin silang magsaliksik at magbasa. Nagkaroon kami ng panahon na magbahaginan ng opinyon at kaalaman batay sa takdang-aralin. Mas nahasa ang aming karunungan at isipan. Mas nakita namin ang ibang kagandahang dulot nito sa aming pamilya. Mas pinaunawa ng magulang namin yung halaga ng kaalaman, karunungan, disiplina sa sarili at pagkakaroon ng responsibilidad.

Di n’yo ba naitatanong na malaki ang naging impluwensya ng mga guro ko sa akin. Itinuring nlla kaming mga parang tunay na anak sa loob ng paaralan. Nandoon ang pag-aalala sa aming grado. Nandoon ang panahon na inilalaan nila ang oras nila ng libre para maturuan kami nang wasto. Pero di ko alintana noon na mas marami pa pala silang gawain na dapat harapin sa paaralan na hanggang sa tahanan ay tinatrabaho pa nila kahit gabi na. Minsan ay nakakalimutan na nila ang obligasyon nila bilang magulang dahil sa tambak ng trabaho sa paaralan. Sa kagustuhan lang nila na matuto kami sa mga aralin sa araw-araw at matutong magpahalaga sa buhay at pagdidisiplina. Sapagkat, ang totoong takdang aralin ay ang hamon ng buhay.

Nito ko lamang natuklasan ang sakripisyo ng mga guro namin nang ako ay maging isang ganap na guro. Maliban sa mga magulang namin ay saludo ako sa dedikasyon nila. Ang ilaan ang buong panahon nila sa amin upang matuto. Nakita ko ang kakulangan sa paaralan pero nagagawang pagsikapan ng mga guro na maihatid nang wasto ang karunungan at kaalaman sa aming mag-aaral. 

Nalulungkot lang ako na marinig na ang pagbibigay ng isang takdang aralin sa mga mag-aaral ngayon ay parang isang mabigat na krimen.

Ang kakarampot na sahod nila ay parusa na. Ikukulong nyo pa sila?

No comments:

Post a Comment