Sigawan at palakpakan, iyan ang
madalas nating naririnig sa tuwing may laban si Manny Pacquiao. Halos ang buong
sambayanan ay nakatutok sa kanyang laban, maging ang kalye o kalsada ay malinis
sa buhol-buhol na trapiko na madalas nating nararanasan. At hindi rin pahuhuli ang mga kababayan natin
na nasa ibang bansa na tulad namin na masaksihan ang bawat laban niya. Lahat ng
gawain ay isinasantabi, wag lang pumalya sa bawat aksyon na magaganap- sa laban
ni PACMAN.
Hindi ako lehitimong mahilig sa
panonood ng boksing, ngunit nang magsimula ng mag-ingay ang pangalan ni
Pacman sa buong mundo, ay nagkaroon ako ng biglaang interes sa panonood sa bawat
laban niya. Nakakatuwa ngang isipin na maging ang mga bata ay ginagaya ang
bawat kilos o galaw ni Manny sa tuwing
sila ay naglalaro o nagkukuwentuhan.
Natatandaan ko pa noong nasa Pilipinas pa ako, sa tuwing may laban
si Pacman ay mahilig akong manood via Pay-Per-View. At kung minsa’y
nakikipagsiksikan sa mga tao sa isang malaking screen upang mapanood lang ang
laban niya. Nakakatuwa nga ang bawat reaksyon ng tao..Magugulat ka na lang sa
kanilang mga sigaw. Daig pa nila ang mga nanalo sa Lotto sa tuwing makakapuntos
o makakalamang si Manny. May mga pansumandaling katahimikan, at magugulat ka na
lang bigla na halos sabay-sabay na magsisigawan ang mga tao. Tila magkakadugtong
ang kanilang mga emosyon sa bawat aksyon ni pacman. Sobrang saya na manood. Halos
ang iba ay malasing na sa sobrang excitement.
Matapos ang pinagwagian na laban ni
Manny, halos lahat ng sambayanan ay nagdiriwang. Ang iba ay nagtitipon-tipon at muling sasariwain ang napanood habang pinagsasaluhan ang mga alak na kanilang
inihanda bilang selebrasyon sa tagumpay, hindi lamang ni Manny kundi ng buong
Pilipino.
Maging kaming mga nasa ibang bansa ay di rin pumapalya sa panonood ng
laban ni Manny kahit sa oras ng trabaho. Sisikapin namin makahanap ng live
streaming. Nakakatuwa ngang isipin na madalas nagpopost ako sa Facebook at nagrerequest ng link para sa
live streaming upang makasabay ako sa panonood sa buong mundo. At habang nagtatrabaho ay pasimpleng pinapanood ang kanyang
laban. Iyon nga lang, ang hirap sumigaw kapag nakakapuntos si Manny. Baka
mahuli ng mga amo. Pero pagdating sa bahay ay papanoorin uli ang replay at doon
ay ibubulalas ang emosyon na hindi kumawala kanina sa opisina. Doon muling ibubuhos ang sigaw at palakpak, parang hindi napanood kaninang umaga
ang bawat detalye ng kanyang laban.
Sa pagbagsak ni Manny nitong huling
laban niya, nasaksihan ko rin ang ingay ng mga kapwa ko kababayan at mas higit
kong naramdaman ang pagkakaisa ng kanilang saloobin. Ang lahat ay nabigla, at
pasimpleng naluha at nalungkot. Pero, isang bagay lang ang napatunayan ko sa
kanila, sa pagbagsak ni Manny, hindi pa rin nawala ang respeto at paggalang ng
buong sambayanang Pilipino sa kanya.
No comments:
Post a Comment