About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Saturday, November 24, 2012

INVADING THE PRIVACY OF OTHER IS DISRESPECTFUL AND AGAINST HUMAN ETHICS


Hindi natin maikakaila na ang bawat isa sa atin ay may mga pribadong buhay na pinakakaingatan, maging ito man ay ang ating saloobin, personal na pangangailangan, nasasakupan , mga usapin  at maging ang mga personal na argumento. Ang lahat ng mga ito ay nangangailangan ng respeto at pang-unawa. Samakatwid, ang respeto ay makakamit lamang kung magkakaroon ng malawak na pang-unawa sa  karapatan ng bawat isa. At may mga bagay din na dapat tayong ikonsidera sa karapatan ng bawat isa lalo pa’t ito ay pagmamalabis at nakakapinsala o nakakaperwisyo na sa iba.

Ano nga ba ang tungkulin  ng pagrespeto sa pribadong buhay ng tao?

Ang pagrespeto sa karapatan ng ilan ay nangangahulugan ng pagiging makatao at may lalim ng pang-unawa sa pangangailangan ng ilan.

Ang panggagambala nang makailang beses ay sumisira sa samahan na pinakakaingatan at nagmimistulang di kaaya-aya. Ito ay isang pagmamalabis sa karapatan ng bawat isa.

Maraming mga pagmamalabis na ginagawa ang tao sa karapatan ng ilan. At ang mga sumusunod ay ilan lamang.

1. Ang PAKIKIALAM sa gamit nang ilan na walang pahintulot ay isang uri ng pagnanakaw. Maaaring ikonsidera ang pagkaganid na asal. Maging ang bagay na ito ay simple lamang o hindi. Dapat din isaalang-alang ang paghingi ng PERMISO sa kung sino man ang nagmamay-ari. Ang pagpasok sa kanyang teritoryo nang basta-basta ay isang uri ng krimen. 

2. Ang talamak na gawi na PAGPIYESTAHAN ang tao nang talikuran ay isang uri ng kasalanan. Maging ito man ay totoo o hindi ay hindi karapatan ng ilan na gawing paksa ng usapan ang isang taong walang muwang at walang kamalay-malay sa kanyang ginagawa. Kung may pagkukulang man o pagkakamali, hindi makatwiran na lumikha ng usapin laban sa kanya. Sapagkat ito ay paglapastangan sa kanyang sariling pagkatao. Walang sinumang tao ang may karapatang manghusga ng kanyang kapwa na walang SAPAT o  KONKRETONG batayan sapagkat hindi tayo binigyan ng pahintulot kailan man na gawing usapin ang buhay niya. 

3. Ang anumang ipinagkaloob na TIWALA ng tao sa iyo ay dapat pakaingatan. Ang pagwasak sa tiwala na napagkasunduan, maging ito man ay lihim o hindi ay hindi dapat gawing paksa ng usapan sa iba. Hindi nangangahulugan na gawin itong batayan upang may mapag-usapan o gawing sangkapan sa panahon ng di pagkakaunawaan. Ang tiwala ang pinakamakapangyarihang sandata ng tao na sa isang iglap ay puedeng maglaho dahil lamang sa maling bugso ng damdamin. 

4. Ang PANGGAGAMBALA sa katahimikan ng ilan ay hindi makataong-gawi. Ito ay paglapastangan sa kanyang karapatan bilang indibidwal. Lalo pa kung ito ay paulit-ulit na ginagawa. Magkaroon ng delikadesa sa sarili at matutong maging sensitibo. Ang kawalan ng sensitibong pakiramdam sa pangangailangan ng ilan ay nagdudulot ng kawalan ng wastong pag-uugaling moral. Huwag magmistulang makasarili sa damdamin. Isaalang-alang ang pangangailangan din ng ilan.

5. Ang PANANAMANTALA sa kahinaan ng isang tao ay humigit-kumulang ay nagpapakita ng kawalan ng paggalang sa sarili at sa kapwa. Ang bawat indibidwal ay may kahinaan at kalakasan. Anuman ang kahinaan at kalakasan ay hindi dapat panghimasukan nang ilan sapagkat ito ay labag sa batas ng moral ng tao.

Ang panghihimasok sa pribadong buhay ng tao ay isang mahirap na usapin. Walang batas ng tao ngunit may ito ay tumatalakay sa usaping moral ng bawat indibidwal. Sa kabuuan, ang moral na paggalang hinggil sa  pagsasapribado ng buhay ng tao ay higit na dapat pagtuunan ng respeto sa kanyang nasasakupan, saloobin, kabuuan ng pagkatao at maging sa mga salita. Kung tayo ay umaasam ng respeto sa ating sarili ay nangangahulugan na matuto rin tayong rumespeto sa ating paligid.

No comments:

Post a Comment