About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Wednesday, April 16, 2014

When "Katamaran" Strikes again


Ano nga ba ang dapat gawin kapag tinatamad kang magtrabaho? Ito ay iilan lamang sa mga diskarte.

1. Unang-una ay iwasan mo ang umabsent sa trabaho
2. Pumasok nang maaga at iwasan na ang amo mo ang maunang darating kesa sa iyo.
3. Pagdating sa loob ng opisina ay tunguhin mo ang iyong lamesa at ayusin ang mga gamit na nakahambalang na iyong iniwan simula pa kahapon.
4. Pagkatapos mong ayusin ay mag-isip nang maaaring gawin o kalikutin para masabi na abala ka sa pagpasok pa lang ng opisina.
5. Buksan ang filing cabinet at kunwari ay may hinahanap ka. Ilabas mo ang lahat ng laman ng filing cabinet at ibalik mo uli isa-isa at dahan-dahan para maubos ang oras.
6. Maaari rin na kunwari ay may hinahanap kang dokumento pero ang totoo ay binibilang mo lang ang pahina ng bawat dokumento.(dagdag ubos-oras din ‘yun)
7. Kung kaunting oras lang ang nagugol mo doon ay tunguhin ang iyong incoming at outgoing tray. Isa-isahin na ayusin ang mga documento ayon sa pagkakasunud-sunod na petsa o depende sa kung anong trip mo.
8. Kapag dumating ang amo mo, hawakan mo kaagad ang telepono at kunwari ay may kausap ka sa kabilang linya. Ipaparinig mo sa amo mo na kunwari ay may tinatanong ang nasa kabilang linya tungkol sa dokumento.
9. Ipaparinig mo sa amo ang ganitong linya “Alright Mr. Cruz, I will bring the documents to your office now”.
10. Maghanap ka ng dokumento na kunwari ay dadalhin mo sa kabilang opisina.
11. Magpaalam nang maayos sa amo bago umalis. Huwag masyadong excited sa katamarang ginagawa.
12. Lumabas nang maayos. Huwag ipahalata ang sobrang excitement sa katamaran.
13. Sa kabilang opisina, kailangan ay huwag mong ipapahalata na may ginagawa kang kalokohan este katamaran. Kunwari ay may itatanong ka na dokumento hanggang sa palawakin mo ang iyong pag-uusisa- maski buhay ng kapitbahay nila para sulit ang oras ng iyong pagpepetiks.
14. Huwag masyadong ubusin ang oras sa kabilang opisina, bumalik ka kaagad dahil baka makahalata ang amo mo sa iyong ginagawa.
bored-yawning-businessman-9230315. Pagdating mo sa inyong opisina ay buksan muli ang iyong computer. Pindutin mo ang keyboard ng iyong computer. Kunwari ay abalang-abala ka sa trabaho. Pero nag-uupdate ka lang pala ng status mo sa facebook.
16. Maging alisto ka. Kailangan pag tumayo si amo mo ay mailipat mo agad ang screen ng iyong computer sa excel documents para kunwari ay nagtatrabaho ka.
17. O kaya naman ay buksan mo ang iyong company e-mail. Kunwari ay nagbabasa ka ng mga e-mails. Kahit spam o junk e-mails ay basahin mo na rin baka makatulong sa tamad mong utak.
18. Kapag may pinagawa sa iyo si amo mo na report, ay gawin agad ito. Pero bago iprint ay kailangan bilangin mo muna ang bawat letra na iyong sinulat. Makakatulong ito upang maubos ang oras mo. Pagkatapos ay ibigay na sa iyong amo.
19. Kapag may naghanap sa iyo, tunguhin ito. Kahit delivery man ito ay makipagtsikahan ka sa kanya. Kamustahin siya. Makibalita sa mga kasalukuyang kaganapan. Kung ilan ang dinideliver niya sa bawat araw. Gaano kabigat at kagaan ang bawat dindiliver niya. Maski ang safety shoes niya ba ay mabigat dalhin. Huwag mong paabutin nang matagal ang usapan n’yo baka magtaka na ang amo mo.
20. Bumalik uli sa opisina, gawin uli ung bilang 15. Tandaan, maging alisto palagi at kailangan nakaready kaagad ang kamay sa pagpindot ng window key + D para maitago mo ung facebook account mo.
 21. Tumayo ka at pumunta sa CR. Magsuklay at magretoke ng mukha kung ikaw ay babae. Tignan ang kilay kung pantay pa ang pagkakaguhit mo.
22. Kung lalaki ka naman, tignan kung di pa ba nalulukot ang suot mo. Tignan mo na rin kung may tinga ka o kaya ay buhok sa ilong mo na kumakaway. Tanggalin mo. Nakakahiya.
23. O kung hindi man ay pumasok ka sa cubicle ng CR at umidlip. Sisiguraduhin mo lang na hindi ka hihilik sa loob dahil baka mabuking ka na natutulog sa loob. Limang minuto ay sapat na.
24. Pagkatapos ay bumalik sa opisina, kuhain ang mga dokumentong tapos na at ilagay sa ibabaw ng iyong mesa. Kunwari ay marami kang trabaho sa mga oras na iyon habang may kausap ka sa facebook. Pero huwag kang tatawa baka mahalata ka ng amo mo. Kung maaari ay pigilan mo.
25. Minsan, kailangan mo pumunta ng kabilang departamento. Kunwari ay may kailangan ka na dokumento pero ang totoo ay makikipagtsikahan ka lamang.
images26. Huwag kang masyadong mainip sa oras. Sapagkat kung susundin mo ang lahat ng mga nabanggit sa itaas ay hindi mo namamalayan na malapit na pala ang inyong uwian.
27. Huwag mo uubusin ang lahat ng trabaho sa araw na ito. Kailangan ay lagi kang magtira kinabukasan. Magfeeling-abala ka lamang. Itambak mo lang sa lamesa mo ang mga suspension folder at iba pang dokumento para  masabing abalang-abala ka. Pero ang totoo ay props lang iyan.
28. Hindi mo namamalayan sa iyong pagpapanggap ay mag-uuwian na pala.
29. Bago ka umuwi ay ayusin ang iyong lamesa na tila napakarami mong trabaho.
 30. Pagkatapos ay tunguhin ang CR muli at pagmasdang mabuti ang iyong sarili kung gaano na kakapal ang iyong pagmumukha.

Monday, April 14, 2014

Pacman’s Victory over Bradley and the Internet memes

Matapos ang matagumpany na laban ni Manny Pacquiao laban kay Timothy Bradley. Labis ang kasiyahan ng mga taong nanood at naging saksi sa bawat ulos ng kanyang kamao simula sa una at hanggang sa huling round ng kanyang laban. Ngunit, ang kasiyahan at kaligayahang ito ay hindi nagtatapos sa kung anuman ang ating napanood. Sapagkat, sadyang may nakahain ang mga pinoy na mga kakatuwang larawan na muling magpapatawa o magpapangiti muli sa atin na kumalat sa social media- lalo na sa Facebook. Ito ay iilan lamang:

1. Ang Pay-Per-View na tinatawag sa tuwing may laban si Pacman






2. Ang bakbakang umaatikabo sa loob ng ringside








3. Ang reaksyon ni Mommy Dionisia na naging internet sensation






4. Sa loob ng ringside matapos ang matagumpay na laban ni Pacman






5. Ang #realtalk number 1 ng bayan








6. Ang #realtalk number 2 ng bayan







7. Ang Pagtutuos (?)









8. Ang #realtalk number 3 ng bayan










9. Ang Finale ng Pinoy….





Salamat sa malikhaing pag-iisip ng mga pinoy na kahit sa mga simpleng larawan na ito ay napangiti at napatawa n’yo na naman kami sa kabila ng mga patung-patong na alalahanin sa buhay. Bumaha ang newsfeed namin sa Facebook at iba pang social media sa mga halakhak na tugon dahil sa talas ng inyong imahinasyon at pagiging malikhain (malikot na pag-iisip, ‘ika nga).
Para kay Manny Pacquiao, salamat sa muling pagbangon at muli mong binuhay ang ringside para sa ating bansa. Mabuhay ka!






Saturday, April 12, 2014

Isang Pasasalamat sa Iyong Pagkilala


Di ko alam kung anong rason at bakit bigla kong naalala si Dr. Paquito Badayos..Nabigla ako, di ko alam kung pagkakataon o may ipinahihiwatig ang petsa ngayon..- Abril 12, 2014...

Sa isang iglap ay hinanap ko ang kanyang pangalan sa Facebook upang makamusta ko sana siya at gayundin ay maipaabot ang aking pasasalamat kung anuman ang narating ko ngayon lalo na sa aking mga panulat..Kaya lamang, ikinabigla ko ang aking paghahanap- sapagkat larawan niya na nagsasabi na pumanaw siya ng
Abril 12, 2010...

Sa mga hindi nakakakilala sa kanya, si Dr. Badayos ang isa sa pinakamahusay kong Professor sa Masteral noong nag-aaral pa ako sa
Philippine Normal University. Siya iyong tipikal na taong napakasimple..Kagiliw-giliw ang kanyang klase sapagkat nagagawa niyang pasayahin ang minsa'y nakakabagot na paksa. Siya ang namumukod-tanging tao na kumilala sa kahusayan ko sa pagsulat. Sa totoo lang, di ko alam na ang bawat gawain o proyektong pinagagawa niya sa amin noon ay magkakaroon ng pitak sa kanya. Sa akin, mistula lang iyong ordinaryong panulat na sinunod ko lamang ang alituntunin na nais niya para sa proyekto. 


Sa aming pag-uusap noon ay hinikayat niya ako na hubugin at sanayin ko pang muli ang aking pagsusulat, ngunit hindi ko ito masyadong binigyan ng importansiya. Mas pinagtuunan ko ng pansin ang aking pagtuturo at pag-aaral. Maliban dito ay nahihirapan din ako sa sitwasyon na nagtuturo sa Olongapo at luluwas naman ng Manila tuwing sabado upang mag-aral...Kasabay pa niyan ang pagtitipid sa kakarampot na sweldong kinikita sa eskuwelahan upang may magamit na pamasahe sa pagluwas ng Manila...Magkaminsa'y makikiamot ako ng pera sa aking tiyahin na nakatira sa Tondo, Manila o kaya sa aking pinsan na nakatira sa Quezon City upang matustusan ang aking pangangailangan sa pag-aaral.

Dumating pa kami sa pagkakataon na gumagawa siya ng textbook at gusto niyang sumulat ako ng artikulo hinggil o may kaugnayan sa  pagsusulat o pagbabasa at nais niya itong ilathala..."Opo" lang ang naging sagot ko pero hindi ko binigyan ng katuparan ang kanyang kahilingan...

Sayang!..Ito na lang ang puede kong sambitin sa mga oras na ito. Nanghihinayang ako sapagkat, hindi ko man lang naipabasa sa kanyang muli ang mga bago kong artikulo na sigurado akong kagigiliwan niya...

Sa iyo Sir, maraming salamat sa pagtitiwala..Ikaw ang gumising at kumilala sa aking kakayahan na akala ko ay wala ako nito..Ngunit, meron pala...Di ko man natupad ang kagustuhan mo na maging bahagi ng iyong aklat, natupad ko naman ang kagustuhan mo na kilalanin ko ang aking sariling kakayahan..Maraming Salamat Sir sa pagtitiwala..Dalangin ko ang kapayapaan ng iyong kaluluwa sa piling ng ating Ama.

Paalam sir at maraming salamat.

Paquito Briones Badayos, Ph.D
June 30, 1947- April 12, 2010









Tuesday, April 1, 2014

Goodbye is only truly painful if you know you'll never say hello again


Sabi nang mga nakararami, madalas ay hindi natin nabibigyan ng importansya o napapahalagahan ang isang tao maliban na lamang kung ito ay wala na. At madalas, kapag nawala na ang taong ito ay dun lamang natin nararamdaman na mahalaga pala siya sa atin. Masakit pala. Lalo pa’t kung ang taong ito ay itinuring mo na kabahagi ng iyong buhay. Na ang taong ito ay madalas mong nakakasama, nakakabiruan, kasalo sa pagkain at maging sa pamamamasyal. Kaya ang pakiramdam mo ay kinuha na ang kalahati ng iyong buhay.

Lahat tayo ay nakakaranas ng mga pagsubok at mawalan ng mga mahal sa buhay. Minsan, mahirap tanggapin ang mga bagay na nangyayari lalo pa’t hindi natin inaasahan. Laging sinasabi nang ilan na “tanggapin mo na lang sapagkat ang lahat ay kaloob ng Diyos”. Totoo naman marahil na ito ay kaloob ng Diyos. At madaling sabihin at bitiwan ang salitang “tanggapin” ngunit hindi ganoon kadali lalo pa’t nananariwa ang masayang alaala na kasama mo siya at lalo’t wala ka sa ganoong sitwasyon nang pagdadalamhati. At hindi mo alam ‘yung bigat ng kalooban. Hindi ganoon kadaling makalimot. Hindi ganoon kadali na umusad agad tayo sa panibagong pagharap sa buhay. Nangangailangan din tayo nang tamang oras at panahon na maihanda natin ang ating sarili para masabi natin na “Okey na ako”.  Sapagkat ang oras at panahon ang magpapahilom at makakapagpagaan muli ng iyong kalooban at maibalik ang iyong normal na takbo ng buhay.

Magkaminsa’y iniisip din natin na may mga bagay na nangyayari  na hindi nararapat o kung minsa’y sa tingin natin ay hindi wasto. Sapagkat may mga taong higit na may karapatan na magpatuloy sa buhay at ibahagi ang kanyang kabutihan sa kapwa kesa sa mga ibang taong walang pagpapahalaga sa kanilang sarili. Iyong mga taong ganid! Iyong mga taong mapanakit! iyong mga taong walang pagpapahalaga sa buhay nang ilan!…Lahat ng mga taong may masasamang kalooban na taliwas sa dapat niyang iasal. Sila ang dapat na nawawala sa mundo at kinukuha!

Siguro nga ay napaka-“unfair rin natin sapagkat nahuhusgahan natin ang ibang tao ayon sa kanyang kinikilos at pananalita kaya natin nasasabi ito. Ngunit, hindi ba’t higit na napaka-“unfair” kung ang taong naging mabuti sa iyo at sa kanyang kapwa ay sa isang iglap ay bigla na lang mawawala? O kung hindi man ay magkakaroon ng mabigat na karamdaman na tila wala nang lunas?

Naniniwala tayo na ang lahat ng nangyayari sa buhay ng bawat tao ay sadyang may plano ang Diyos. At ang lahat nang iyon ay itinataas natin sa KANYA. Kaya lamang, hindi natin maikukubli ang sakit na nararamdaman na mayroon na namang mawawala. Lalot pa’t ang taong ito ay nagkaroon ng pitak sa ating buhay. Parang ang hirap tanggapin. Hindi mo kakayanin. Para kang nauupos na kandila. Mistula itong bangungot na hindi ka makagalaw at nakikipagtunggali upang magising na sana ay BANGUNGOT nga lamang ito.

Lagi natin sinasabi, sana may isa pang pagkakataon…

Sana panaginip lamang itong nangyayari…

At sana ay maibalik muli ang mga araw na nagdaan upang mapunuan kung anuman ang mga pagkukulang. Ang maitama ang maling nangyari, Ang makapag-iwan nang masayang alaala at kasiyahan. Na sa bawat minutong magdadaaan ay magiging kaiga-igaya at puno ng pagmamahal. Na sa bawat pagsasama sa mga oras na iyon ay mamumutawi ang mga ngiti at aalingawngaw ang mga halakhak bunga ng kasiyahang nadarama.

Alam natin na mahirap itong isipin pero naniniwala pa rin tayo na diringgin ito ng Diyos.

Masakit isipin at malaman ang katotohanan pero kailangang pa rin na maging matibay ang ating kalooban at matutong labanan ang damdamin. Sapagkat ang lahat nga ay may dahilan.

Madalas nga ay dinadaya natin ang ating sarili kapag kaharap siya. SInisikap natin na maging matatag kahit na alam natin na ang puso natin ay iniluluha ang kanyang abang kalagayan. Kinukubli natin ang totoong emosyon kahit alam natin na nasasaktan din tayo. Pero kailangan natin ipakita na tinutulungan natin siyang palakasin para magpakatatag din siya para sa kanyang sarili…Pero hanggang saan? Hanggang kailan?

Ang katotohanan pa, minsan ay ayaw natin siyang bitiwan at ipaubaya na sa Panginoon ang lahat . Mas masakit ang magpaalam kung alam nating sa mga susunod na araw ay hindi na natin siya makakausap pang muli. Hindi na maririnig ang kanyang tinig. Hindi na mararamdaman ang kanyang yakap o haplos. Hindi mo na masisilayan ang kanyang mga ngiti. Hindi mo na mararamdaman ang kanyang paglalambing.  

Isang alaala nang matamis na kahapon na lamang ang ating sasariwain.