About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Saturday, April 12, 2014

Isang Pasasalamat sa Iyong Pagkilala


Di ko alam kung anong rason at bakit bigla kong naalala si Dr. Paquito Badayos..Nabigla ako, di ko alam kung pagkakataon o may ipinahihiwatig ang petsa ngayon..- Abril 12, 2014...

Sa isang iglap ay hinanap ko ang kanyang pangalan sa Facebook upang makamusta ko sana siya at gayundin ay maipaabot ang aking pasasalamat kung anuman ang narating ko ngayon lalo na sa aking mga panulat..Kaya lamang, ikinabigla ko ang aking paghahanap- sapagkat larawan niya na nagsasabi na pumanaw siya ng
Abril 12, 2010...

Sa mga hindi nakakakilala sa kanya, si Dr. Badayos ang isa sa pinakamahusay kong Professor sa Masteral noong nag-aaral pa ako sa
Philippine Normal University. Siya iyong tipikal na taong napakasimple..Kagiliw-giliw ang kanyang klase sapagkat nagagawa niyang pasayahin ang minsa'y nakakabagot na paksa. Siya ang namumukod-tanging tao na kumilala sa kahusayan ko sa pagsulat. Sa totoo lang, di ko alam na ang bawat gawain o proyektong pinagagawa niya sa amin noon ay magkakaroon ng pitak sa kanya. Sa akin, mistula lang iyong ordinaryong panulat na sinunod ko lamang ang alituntunin na nais niya para sa proyekto. 


Sa aming pag-uusap noon ay hinikayat niya ako na hubugin at sanayin ko pang muli ang aking pagsusulat, ngunit hindi ko ito masyadong binigyan ng importansiya. Mas pinagtuunan ko ng pansin ang aking pagtuturo at pag-aaral. Maliban dito ay nahihirapan din ako sa sitwasyon na nagtuturo sa Olongapo at luluwas naman ng Manila tuwing sabado upang mag-aral...Kasabay pa niyan ang pagtitipid sa kakarampot na sweldong kinikita sa eskuwelahan upang may magamit na pamasahe sa pagluwas ng Manila...Magkaminsa'y makikiamot ako ng pera sa aking tiyahin na nakatira sa Tondo, Manila o kaya sa aking pinsan na nakatira sa Quezon City upang matustusan ang aking pangangailangan sa pag-aaral.

Dumating pa kami sa pagkakataon na gumagawa siya ng textbook at gusto niyang sumulat ako ng artikulo hinggil o may kaugnayan sa  pagsusulat o pagbabasa at nais niya itong ilathala..."Opo" lang ang naging sagot ko pero hindi ko binigyan ng katuparan ang kanyang kahilingan...

Sayang!..Ito na lang ang puede kong sambitin sa mga oras na ito. Nanghihinayang ako sapagkat, hindi ko man lang naipabasa sa kanyang muli ang mga bago kong artikulo na sigurado akong kagigiliwan niya...

Sa iyo Sir, maraming salamat sa pagtitiwala..Ikaw ang gumising at kumilala sa aking kakayahan na akala ko ay wala ako nito..Ngunit, meron pala...Di ko man natupad ang kagustuhan mo na maging bahagi ng iyong aklat, natupad ko naman ang kagustuhan mo na kilalanin ko ang aking sariling kakayahan..Maraming Salamat Sir sa pagtitiwala..Dalangin ko ang kapayapaan ng iyong kaluluwa sa piling ng ating Ama.

Paalam sir at maraming salamat.

Paquito Briones Badayos, Ph.D
June 30, 1947- April 12, 2010









No comments:

Post a Comment