About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Tuesday, April 1, 2014

Goodbye is only truly painful if you know you'll never say hello again


Sabi nang mga nakararami, madalas ay hindi natin nabibigyan ng importansya o napapahalagahan ang isang tao maliban na lamang kung ito ay wala na. At madalas, kapag nawala na ang taong ito ay dun lamang natin nararamdaman na mahalaga pala siya sa atin. Masakit pala. Lalo pa’t kung ang taong ito ay itinuring mo na kabahagi ng iyong buhay. Na ang taong ito ay madalas mong nakakasama, nakakabiruan, kasalo sa pagkain at maging sa pamamamasyal. Kaya ang pakiramdam mo ay kinuha na ang kalahati ng iyong buhay.

Lahat tayo ay nakakaranas ng mga pagsubok at mawalan ng mga mahal sa buhay. Minsan, mahirap tanggapin ang mga bagay na nangyayari lalo pa’t hindi natin inaasahan. Laging sinasabi nang ilan na “tanggapin mo na lang sapagkat ang lahat ay kaloob ng Diyos”. Totoo naman marahil na ito ay kaloob ng Diyos. At madaling sabihin at bitiwan ang salitang “tanggapin” ngunit hindi ganoon kadali lalo pa’t nananariwa ang masayang alaala na kasama mo siya at lalo’t wala ka sa ganoong sitwasyon nang pagdadalamhati. At hindi mo alam ‘yung bigat ng kalooban. Hindi ganoon kadaling makalimot. Hindi ganoon kadali na umusad agad tayo sa panibagong pagharap sa buhay. Nangangailangan din tayo nang tamang oras at panahon na maihanda natin ang ating sarili para masabi natin na “Okey na ako”.  Sapagkat ang oras at panahon ang magpapahilom at makakapagpagaan muli ng iyong kalooban at maibalik ang iyong normal na takbo ng buhay.

Magkaminsa’y iniisip din natin na may mga bagay na nangyayari  na hindi nararapat o kung minsa’y sa tingin natin ay hindi wasto. Sapagkat may mga taong higit na may karapatan na magpatuloy sa buhay at ibahagi ang kanyang kabutihan sa kapwa kesa sa mga ibang taong walang pagpapahalaga sa kanilang sarili. Iyong mga taong ganid! Iyong mga taong mapanakit! iyong mga taong walang pagpapahalaga sa buhay nang ilan!…Lahat ng mga taong may masasamang kalooban na taliwas sa dapat niyang iasal. Sila ang dapat na nawawala sa mundo at kinukuha!

Siguro nga ay napaka-“unfair rin natin sapagkat nahuhusgahan natin ang ibang tao ayon sa kanyang kinikilos at pananalita kaya natin nasasabi ito. Ngunit, hindi ba’t higit na napaka-“unfair” kung ang taong naging mabuti sa iyo at sa kanyang kapwa ay sa isang iglap ay bigla na lang mawawala? O kung hindi man ay magkakaroon ng mabigat na karamdaman na tila wala nang lunas?

Naniniwala tayo na ang lahat ng nangyayari sa buhay ng bawat tao ay sadyang may plano ang Diyos. At ang lahat nang iyon ay itinataas natin sa KANYA. Kaya lamang, hindi natin maikukubli ang sakit na nararamdaman na mayroon na namang mawawala. Lalot pa’t ang taong ito ay nagkaroon ng pitak sa ating buhay. Parang ang hirap tanggapin. Hindi mo kakayanin. Para kang nauupos na kandila. Mistula itong bangungot na hindi ka makagalaw at nakikipagtunggali upang magising na sana ay BANGUNGOT nga lamang ito.

Lagi natin sinasabi, sana may isa pang pagkakataon…

Sana panaginip lamang itong nangyayari…

At sana ay maibalik muli ang mga araw na nagdaan upang mapunuan kung anuman ang mga pagkukulang. Ang maitama ang maling nangyari, Ang makapag-iwan nang masayang alaala at kasiyahan. Na sa bawat minutong magdadaaan ay magiging kaiga-igaya at puno ng pagmamahal. Na sa bawat pagsasama sa mga oras na iyon ay mamumutawi ang mga ngiti at aalingawngaw ang mga halakhak bunga ng kasiyahang nadarama.

Alam natin na mahirap itong isipin pero naniniwala pa rin tayo na diringgin ito ng Diyos.

Masakit isipin at malaman ang katotohanan pero kailangang pa rin na maging matibay ang ating kalooban at matutong labanan ang damdamin. Sapagkat ang lahat nga ay may dahilan.

Madalas nga ay dinadaya natin ang ating sarili kapag kaharap siya. SInisikap natin na maging matatag kahit na alam natin na ang puso natin ay iniluluha ang kanyang abang kalagayan. Kinukubli natin ang totoong emosyon kahit alam natin na nasasaktan din tayo. Pero kailangan natin ipakita na tinutulungan natin siyang palakasin para magpakatatag din siya para sa kanyang sarili…Pero hanggang saan? Hanggang kailan?

Ang katotohanan pa, minsan ay ayaw natin siyang bitiwan at ipaubaya na sa Panginoon ang lahat . Mas masakit ang magpaalam kung alam nating sa mga susunod na araw ay hindi na natin siya makakausap pang muli. Hindi na maririnig ang kanyang tinig. Hindi na mararamdaman ang kanyang yakap o haplos. Hindi mo na masisilayan ang kanyang mga ngiti. Hindi mo na mararamdaman ang kanyang paglalambing.  

Isang alaala nang matamis na kahapon na lamang ang ating sasariwain.



No comments:

Post a Comment