About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Tuesday, August 26, 2014

Tara mag-Ice Bucket Challenge tayo!



Ang alam kong layunin ng Ice Bucket Challenge ay makalikom ng donasyon para makatulong sa mga taong nagsasagawa ng pag-aaral sa karamdamang Amyotrophic Lateral Scierosis (ALS). Gayundin ay upang ipalaganap ang kaalaman ng sakit na ito at maipadama ang suporta sa mga taong may ALS…Aba, nagulat ako at tila ginawa na yatang libangan ng mga tao ang Ice Bucket challenge na ito..Basang-basa ang newsfeed ko sa Facebook sa kakaligo ninyo.


Kung mapapansin n’yo ay halos lahat na yata ng tao ay nagkaroon ng partisipasyon sa challenge na ito, katulad ng mga kilala sa antas ng lipunan saan man panig ng mundo at maging ang mga ordinaryong tao. Pati ang mga bata ay nakibahagi na rin na tila alam nila ang dahilan ng pagtanggap nila sa hamon na ito. Ang daming nominasyon. At ang lahat ng mga taong nakakatanggap ng nominasyon ay tuwang-tuwa at naghahamon rin. Pero may naidonate ba kayo?

Aminin natin na ang ilan sa mga taong nakibahagi sa Ice Bucket Challenge na ito ay may tunay na partisipasyon at sadyang nakibahagi sa tinatawag na Challenge for a cause. Ngunit, tila ang iba naman ay di nauunawaan ang tinatawag na misyon ng ALS.

Mistula na itong ginawang katuwaan ng kahit sino. Hindi nila nauunawaan na ang pagbuhos ng Ice Bucket sa kanilang buong katawan ay upang maramdaman nila at maunawaan nila ang karamdaman ng mga taong may Amyotrophic Lateral Scierosis. Hindi ito biro o isang laro na dapat pagtawanan o gawing kasiya-siya.

Masakit panoorin ng isang kaanak sa pamilya na may Amyotrophic Lateral Scierosis na tila ginawa na itong katuwaan ng ilan. Hindi nauunawaan ng mga tao ang abang kalagayan ng isang taong may karamdaman nito. Mabigat sa kalooban ng pamilya ang makitang unti-unting naghihirap ang kalagayan ng isang taong mahal nila sa buhay na dinaranas ang sakit na ito. Pero sa iba ay tila hindi nila alintana. Subukang natin minsan magbasa at nang maunawaan natin. Masakit na pagmasdan kung ang kaanak natin ay may ALS. Na nakikita mong naninigas at namamaga ang kalamnan niya, na ikinahihina at nakakaapekto sa kanyang braso, hita at maging ang kamay. Nahihirapan silang magsalita o dili kaya’y nabubulol. Nakakaranas din sila nang paghirap sa paglunok o pagnguya ng kanyang kinakain. Maging ang pag-angat ng ulo ay hindi niya kaya. At hindi mo maaasahan na makakatayo o makakalakad bunga ng kahinaan nang kanyang kalamnan.At higit sa lahat ay nalilimitahan ang kanyang pamamalagi sa mundo sapagkat hanggang sa kasalukuyan ay wala itong lunas o gamot na puwedeng magpahilom.

Ang layunin ng organisasyon ng ALS ay maimulat tayo sa karamdamang ito- ang maramdaman ang kalagayan ng mga taong may ALS. Maunawaan natin sila sa ganoong sitwasyon.At higit sa lahat ay makatulong tayo na mapuksa at mahanapan ng lunas ang sakit na ito na pinapatay ang buong pandama ng tao at kalauna’y pagkalagot ng buhay.

Hindi ko naman maikakaila na sa ibang banda ay maraming gustong makibahagi dito. Ang ilan nga ay nagpakita ng sinseridad sa kanilang pagsuporta. May mga nagdonate bago tinaggap ang hamon ng kanilang mga kaibigan at mahal sa buhay. Pero ‘yung iba, ay basta lamang tinanggap ang hamon na hindi nauunawaan ang misyon na ito. Ano ito, attention whore?

No comments:

Post a Comment