Isang
taon na pala ang nakakalipas matapos ang matagumpay na mailikas ang mga empleyado
ng Daewoo E & C sa gitna ng bakbakan sa bansang Libya.
Biglang
nanariwa sa akin ang mga nagdaang pangyayari at di ko akalain na malalagpasan
ko ang isang mabigat na tungkulin na mamahala katuwang ang aking amo sa
pagsasagawa ng komunikasyon sa mga sangkot na ahensya at gobyerno. Ang walang
patid na pagsubaybay sa bawat takbo ng operasyon.- ang Humanitarian Mission in a strife-torn Libya Crisis.
Hindi
ko maubos maisip kung saan ko nahugot ang lakas ko noong mga panahon na yun.
Ang
buwan ng Hulyo 28, 2014 hanggang Agosto 26, 2014 ay ang mga panahon na
nagkaroon ako ng tila kakaibang lakas.
Hindi
ko lubos na maisip na magkakaroon ako ng pagkakataon na makausap ang mga
Ambassadors, Konsulado, mga kinatawan o opisyales ng Libya, Malta, India, Dubai
at ang tagapamahala ng sasakyang panghimpapawid katulad ng Air Charter Services.
Hindi ganoon kadali ang pagpaplano sa madaliang paglikas sapagkat may dapat
isaalang-alang na proseso nang naaayon sa IATA (International Air Transport
Authority). Maraming dapat ikonsidera at dapat na lakarin na mga permiso.
Idagdag pa ang aking pang-araw-araw na gawain sa opisina.
Pinagtakhan
ko pa sa aking sarili kung bakit kailangan na kaming mga nasa Abu
Dhabi na sangay ang dapat na mamahala gayung ang dapat ay ang aming himpilan sa bansang South Korea mismo ang magsimula ng pagpaplano at operasyon ng paglilikas. Ngunit, si amo ko noong
panahon na yun ay tila wala rin nagawa na tanggapin ang tungkulin. Kaya sino
rin ba ako para tanggihan ito lalo pa’t ito ay isang humanitarian mission.
Naramdaman
ko ang hirap sa pagsasagawa ng humanitarian mission. Ang madalas na paroo’t
parito namin sa Dubai at Abu Dhabi. Lakarin ang mahahalagang dokumento at
permiso mula sa mga Konsulado at Ambassador ng mga sangkot na bansa. Katuwang namin
ang namamahala sa Air Charter na walang patid sa paghakbang kahit tanghaling
tapat. Karagdagan pa na ang buwan na iyon ay ang kasagsagan na matindi ang init
ng panahon na pumapalo na hindi bababa ng 40 degrees. Matapos malakad ang ilang
mahahalagang proseso ay kailangan namin bumalik ni amo sa opisina at harapin
ang aming aktuwal na trabaho habang hinihintay ang resulta o progreso na aming
nilalakad para sa humanitarian mission.
May
mga ilang araw na limitado lamang ang aking tulog. Kailangan ko gumising muli
ng maaga at pumasok upang antabayanan ang ibang impomasyon. Lagi akong naka-“on-call
duty” kahit dis oras ng gabi. Natatandaan ko pa ang magkasabay na espesyal na okasyon ng araw ng Agosto 15 na magkaiba ng lugar ng selebrasyon; si Kuya Dong na aking kasamahan sa trabaho at ang aking kaibigan na si Ryan
Jaring. Kahit sa mga oras na iyon ay nagtatrabaho pa rin kami ni amo. Nakaharap pa rin ako sa kompyuter habang ang lahat ay nag-iinuman at nagkakasiyahan. Walang
pinipiling oras at araw talaga ang mga ganitong pangyayari.
Naramdaman
ko ang pagal ng aking katawan. Gusto ko ng mahabang tulog at pahinga. Mas lalo
kong naramdaman ang pagod sa mga araw ng operasyon nang paglilikas (3 pangkat
na magkaiba pa ang petsa ng paglikas). Halos abutin ako ng 24 oras na dilat ang
mata sa walang-patid na pagmamasid sa bawat hakbang ng aming misyon, simula sa
pagsakay ng barko ng aming mga empleyado mula sa Libya papuntang Malta, at
pagsakay ng eroplano patungo sa itinalaga namin na mga destinasyon. Mahigpit ang
aming pagmamatyag hanggang sa makarating
sila nang maayos at matiwasay sa kanilang mga bansa. Masalimuot. Dumaan kami sa
proseso na tila mahihirapan na mailikas sila. Nakaantabay ang lahat ng mga
naatasan na mga ilang opisyales ng IATA sa Malta, Libya at India. Maging ang
mga opisyal ng kumpanya ng Daewoo sa Libya, Malta at Korea. Mas pinahanga ako
ng Air Charter na 24 oras na nakasubaybay at walang patid na pagbibigay ng
impormasyon sa amin bawat oras.
Habang
ang mga kasamahan ko sa trabaho ay himbing na sa pagtulog, ako naman ay tila
nagsisimula pa lamang sa aking trabaho kahit dis’ oras ng gabi kasama ang aking
amo.
Naramdaman
din ng amo ko ang pagod na katawan. Halos gusto na namin ilatag ang aming
katawan sa malambot na higaan. Gusto namin ng sapat na oras na pagtulog. Gusto
na namin na mairaos na sa madaling panahon ang misyon. Umantabay at sumuporta
na rin sa amin ang ilan namin kasamahan sapagkat naramdaman marahil nang amo namin
na hindi namin kakayanin ng kami lamang dalawa ang gaganap ng tungkulin.
Hindi
ko maitatanggi na dumating na rin ako sa puntong iniluha ko yung pagal kong
katawan at isipan. Naramdaman ko ang panghihina ng aking pisikal na katawan at
pagod na isipan. Naitanong ko sa aking sarili kung bakit ako ang gumagawa nito?
Ano ang kinalaman ko sa humanitarian mission? Ano ang ginagawa ng mga higit na
nakakataas sa aming himpilan? Hindi ba’t mas higit silang bihasa dito? At batid
kong may departamentong tagapangasiwa sa mga ganitong klaseng pangyayari.
Ngunit bakit kami ang gumagawa?
Sa
kabila ng mga katanungan na ito ay inisip ko na lamang na isang malaking
pagtitiwala ang ipinagkaloob ng aming himpilan na gampanan ang tungkulin. Isang
malaking oportunidad na maging bahagi ng isang misyon. Napatunayan ko na ang
humanitarian mission ay hindi nangangailangan ng sapat na kaalaman, bagkus ng
puso at dedikasyon sa tungkulin na maisalba ang buhay ng mga tao anuman ang
lahi ng mga ito.
At
sa kabila ng puyat, pagod at matinding sakripisyo, ay higit ang ginhawang
katumbas sapagkat naitawid at nailigtas namin hindi lamang ang aming kababayan kundi maging ang ibang
lahi sanhi ng bakbakan sa Libya. Sapat na itong kaginhawaan at kaligayahan.
Photos credit to wordpress.com
No comments:
Post a Comment