Sa ilang taon ko na paghahanap-buhay sa Gitnang SIlangan at malawak
na lupain ng mga Arabo, ay hindi ko maitatatwa na pinanghihinaan ako ng loob sa
aking mga nakikita. Hindi dahil sa kultura o tradisyon mayroon ang bansang ito
bagkus sa nakakarimarim na kasuotan ng ilan kong kababayan na mga Filipina.
Wala akong makitang magandang dahilan ng pagsusuot ng mga
kasuotan na sobrang ikli sa bansang konserbatibo.
Ano ba ang kanilang pinaglalaban sa kasuotan na ito?
Hindi natin puedeng sabihin na mayroon tayong kalayaan na
magsuot sa kung ano ang nais natin lalo pa’t wala tayo sa ating sariling bansang
pinaglilingkuran. Maaaring “Oo” sa bansa natin ay may kalayaan tayong suotin
ang inaakala natin na makakabuti sa atin. Ngunit, sa bansang konserbatibo ay
kailangan natin na matutong isaayos ang ating sarili at ilagay ang ating
personalidad na angkop sa bansang ating kinatutuntungan. Matuto tayong igalang
ang tradisyon, kultura at kaugalian mayroon sila. Higit sa lahat, matuto tayong
igalang ang ating sarili bilang tao.
Hindi natin maiaalis sa ilang mga kalalakihan ang mapasulyap
sa hindi pangkaraniwang tanawin sa kanila- ang mga babaeng nakasuot na halos
makita ang kaluluwa. Sapagkat mas sanay sila sa mga babae na nakabalot ng Abaya
ang katawan. Mga babaeng ginagalang ang katawang pisikal.
Maaaring sa mga lalaking may lawak ng pag-iisip ay abot ng kanilang pang-unawa kung ano ang iyong klase ng pananamit, ngunit
paano ang ilang kalalakihan na may makitid at baluktot na pag-iisip? Na ang
nangingibabaw ay kamunduhan na pagnanasa. Kaya ba natin kontrolin ang mga ito? Kaya
mo bang ipaliwanag sa kanila na ito ang damit kung saan ka kumportable gayong
wala ka sa sarili mong bansa na malaya?
Ano nga ba ang nais na ipahatid ng kasuotan na ito sa lugar
na pampubliko?
Wala akong maapuhap na maganda at matinong kasagutan!
Lagi natin sinasabi na Stop Rape Culture! At ang mga
kababaihan ay hindi Sex Object!
Ngunit, paano mo ipapaliwanag ito sa mga taong hindi mulat sa
ganitong klaseng mentalidad? Sa mga taong hindi mulat sa ganitong klaseng
kasuotan? Sa mga taong may makitid na pag-iisip at pang-unawa?
Na ang nangingibabaw sa kanila ay ang maling interpretasyon
ng iyong maling pananamit! Malaswa!
Hindi sa lahat ng pagkakataon na ang damit na iyong susuotin
ay angkop sa lahat ng panahon. May tamang lugar para dito. At mayroon tamang
okasyon.
Hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan halos ipangalandakan
mo ang kaluluwa ng iyong katawan. Maging partikular tayo sa lugar na ating
kinatutuntungan. Iyong alam mong tanggap ng lipunan at ng kanilang kultura.
Matuto tayong igalang ang lupang ating pinaglilingkuran. Matuto tayong igalang ang
ating sarili sa lahat ng bagay upang makatanggap tayo ng respeto mula sa iba.
Ang respeto ay hindi binibili, ito ay kusang inaani na
nagsisimula sa iyong sarili.
Hindi nasasalamin ang kagandahan ng tao sa ikli ng pananamit,
mas higit na nakikita ang kagandahan ng tao kung paano niya igalang ang kanyang
sarili bilang babae.
Kailangan ba na masadlak ka muna sa maling pangitain bago ka
magising at matauhan?
Isip-isip ka rin kabayan….
No comments:
Post a Comment