About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Friday, June 12, 2015

Kamusta ka na Kaibigan?

Ilang taon na ang nakakalipas ng maging saksi ako sa iyong unang pagtibok ng puso. Natuwa ako noon sa mga nakita kong kaligayahang dulot ng iyong wagas na pagmamahal. Naramdaman ko ung sinseridad ng iyong mabuting intensyon sa kanya.

Nakakatuwang pagmasdan ang inyong pagmamahalan.

Mas higit n’yo pa itong binigyan ng kulay ng humarap kayo sa altar ng simbahan at nagsumpaan ng wagas ng inyong pag-iibigan. Hindi lamang ang pamilya, kamag-anak at kaming mga kaibigan mo ang saksi sa tamis ng inyong sumpaan. Maging ang Diyos ay labis ang kaligayahan para sa inyo. Sapagkat ipinagkatiwala n’yo ang inyong sarili sa isa’t isa.

Nagdaan ang maraming taon at nakita ko ang kasiyahang dulot ng pagbubuo ninyo ng inyong sariling pamilya.

May mga hindi pagkakaintindihan at tampuhan na nangyayari na alam kong ito ay karaniwan lamang sa buhay-mag-asawa.

Nakita ko ang pagsasakripisyo mo at nang iyong asawa. Nakita ko kung paano n’yo isalba ang buhay n’yo sa hirap ng buhay. Hindi kayo sumusuko. Lumalaban kayo sa mga pagsubok na dumarating. Nakita ko ang unang pagluha mo sa problema. Pero lumaban ka. Nagpakatatag ka.

Sa katunayan, sinikap mong magpakalayo at pumalaot sa ibang bansa dahil nais mong isalba ang iyong pamilya sa hirap ng buhay.

Nakipagsapalaran ka sa malayo. Nakita ko ang matinding pangungulila mo na malayo sa pamilya. Nakita ko kung paano pinagsikapan ng iyong asawa na maitaguyod ang inyong pamilya kahit wala ka sa tabi nila. Nagawa n’yong maiayos ang lahat.

Ngunit, bakit biglang umiba ang ihip ng hangin?

Bakit iba na ang nakikita kong dumudugtong sa iyong buhay?

Hindi ako makaapuhap ng maganda at mabuting kasagutan sa nangyayari sa inyo sa kasalukyan. Na matapos ang mahabang panahon ng inyong pagsasama bilang mag-asawa ay unti-unti lang pala itong mawawasak ng isang maling desisyon sa buhay.

Hindi ko mawari kung ang pangingibang bansa mo ang nagtulak sa iyo nito. Hindi ko maintindihan kung ang ito ba ay dahilan ng iyong pangungulila  sa  pamilya. Hindi ko alam kung binulag ka ng malaking halagang kinikita mo sa ibang bansa. Hindi ko alam kung ano ang naglalaro sa isipan mo sa mga oras na ito na habang ang iyong sariling pamilya ay walang patid ang pagluha ng pakikipaglaban sa iyo.

Nakakasilaw pala ang salapi kesa sa pagmamahal. Kaya nitong baguhin ang pintig ng iyong puso. Kaya nitong imaniubra ang iyong pagmamahal sa iba. Nakakatakot!

Kinausap mo ba ang iyong sarili?

Naisip mo ba ang damdamin ng iyong pamilya at higit sa lahat ng iyong mga anak. Ang epektong dulot nito sa kanila. Iginalang mo ba ang kanilang damdamin? O sadyang inisip mo na lang ang pansariling kaligayahan? Madamot ka na kaibigan! Ibang-iba ka na ngayon.

Nakailang pagluha na ang iyong asawa upang maipaglaban ka at maisaayos ang lahat. Ngunit tila sinara mo ang iyong taenga sa iyong mga naririnig. Tinakpan mo iyong mga mata sa abang kalagayan ng iyong pamilya. Tila nagbubulag-bulagan ka sa nakikita mong matang nagungusap mula sa iyong pamilya.

Nasaan na ang pangako mo noon sa harap ng Diyos?

Hanggang doon ka na lang ba?

Mas ikinapanatag na ba ng iyong kalooban ang iyong mga desisyon laban sa iyong sariling pamilya?

Sana tama ka sa iyong paghakbang. At sana ay mali ako sa aking mga nasasabi at naririnig.

Nakakapanghinayang lamang kasi ang magandang nasimulan na maglalaho ng ganoon na lamang…




No comments:

Post a Comment