Ito ang lugar na mas kilala bilang “Quiet” o “Time-out room”.
Maliban sa ito ang lugar kung saan tayo nagbabawas o dumudumi ay higit na may
malaking puwang ito sa ating sarili.
Hindi mo maikakaila na ang silid na ito minsan ay naging
saksi ng iyong mga pagluha. Maaaring hindi lamang iisang beses naging saksi ang
kuartong ito sa iyo. Sapagkat alam kong minsa’y nailuha mo sa kuartong ito ang
iyong pangungulila sa iyong mahal sa buhay. Nailuha mo rito ang poot o sama ng
loob na hindi mo maibulalas sa isang tao. Ipinaubaya mo sa kuartong ito ang
pagluha ng makailang beses. Iniibsan nito ang iyong bigat ng kalooban hanggang
sa mapawi ang damdamin na nagpapabigat sa iyo. Pinapakalma ka
nito hanggang sa maikubli mo ang iyong hinampo na nararamdaman. Babalik ka sa
normal na takbo ng iyong buhay. Haharap ka uli ng panibago.
Ang kuartong ito ang laging saksi ng iyong matamis at totoong
mga ngiti, mapaumaga man hanggang sa bago ka matulog. Makailang beses kang ngumingiti
at paulit-ulit kang ngumingiti na malaya. Ipinaubaya mo sa kuartong ito ang
iyong kagandahan at kawagasan ng iyong matamis na ngiti. Walang halong pagkukunwari.
Kay sarap pagmasdan.
Nakakatuwa pa nga minsan isipin na ang kuartong ito ang iyong
sandigan ng pakikipagdayalogo. Naging saksi ito kung paano mo inihahanda ang
iyong ekspresyon, ang pagkibot ng iyong mga labi, pagtaas ng kilay, panlalaki
ng mga mata at butas ng ilong at maging ang pagbaling ng iyong ulo… Hindi nga
ba’t nakakatuwa na ang kuartong ito ay minsa’y naging saksi ng iyong
nakakatuwang kalokohan?
May mga panahon pa nga minsan na gusto mong makita ang iyong di kaaya-ayang itsura sa harap ng salamin lalo na sa oras ng iyong paggising. Ngunit mas
higit na nasilayan ng apat na sulok ng kuartong ito ang iyong kakisigan at
kaseksihan sa iyong pananamit habang paikot-ikot ka sa harap ng salamin. Sapagkat
mas pinaglaanan mo ng oras ang iyong sarili sa pag-aayos upang mangibabaw ang
iyong tunay na kagandahan o kagwapuhan.
Sa kuartong ito ay mayroon kang kalayaan na hindi mo kayang
gawin sa harap ng maraming tao. Dito mo lang nagagawang umawit na mag-isa na
walang kokontra sa iyong boses kahit ito pa man ay sintunado o ang boses mo ay
naghuhurementado. Sapagkat mas naaaliw ka sa alingawngaw ng iyong boses sa apat
na sulok nito. Kaiga-igaya ‘ika nga. Ikaw na ang mang-aawit, ikaw na rin ang
hurado ng iyong sariling boses. Saksi lamang ang kuartong ito sa iyong tinig.
Ang kuartong ito na tinatawag natin na maduming lugar ay minsa’y
naging saksi ng iyong panandaliang tulog sa oras ng trabaho. Ito ang tanging
kumakanlong sa iyo sa oras na hindi na kinakaya ng iyong talukap ang bigat ng
mga mata. Sino nga ba mag-aakala na pansumandali kang kumukuha ng lakas at panandaliang
tulog sa loob ng kuartong ito? Sa katahimikan nito ay madali kang maipaghehele
kahit pansumandali lamang upang maibalik ang enerhiya ng iyong katawan at
pag-iisip. Hindi nga ba’t malaking tulong ang lugar na ito na may katahimikan?
Ibinabalik nito ang iyong lakas ng katawan at talas ng pag-iisip.
Kaya nga isang kanlungan ang lugar na ito para sa atin. Saksi
sa maraming bagay. Pakaingatan at gawing malinis sapagkat madalas ay
kinakanlong tayo nito sa panahon na nais nating mapag-isa.
Kubeta…
Comfort Room…
Restroom…
Salamat sa iyong COMFORT.
No comments:
Post a Comment