About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Sunday, July 26, 2015

Your sensitivity is insensitive


“Ouch! That hurts!”

Kailangan pa ba na may masaktan na kalooban bago natin maunawaan na ang mga sinasabi natin ay sumusugat sa damdamin ng ilan?

Madalas ay masyado na tayong nagiging mahayap sa mga pananalitang ating binibitiwan. Hindi natin isinasaalang-alang ang damdamin ng ilan- kung ito ba ay wasto at hindi magdudulot nang hindi kaaya-aya sa pandinig ng iba.

Walang humahadlang sa atin upang tayo’y magsalita ngunit minsan nakakalimutan natin kung kanino, kailan at saan tayo dapat magkontrol. Partikular minsan sa mga salitang hindi tayo nawawalan ng preno.

Magkaminsa’y dahil sa kapanatagan ng ating kalooban ay hindi natin inaasahan na naisisiwalat na natin ang mga personal na problema nang ilan.  Nagiging paksa ng usapan. Naging katuwaan nang ilan. Hindi natin alintana ang epektong dulot nito sa taong pinag-uusapan. Oo, maaaaring kasiyahan sa panig natin bilang indibidwal ngunit naisip ba natin ang epekto nito? Maaaring masaya tayo sa ating ginagawa pero isang kawalan ng respeto ang ipinapakita natin sa damdamin ng ilan.

TIWALA. Isa ito sa mahalagang sangkap ng buhay ng tao. At madalas ang kawalan ng pag-iingat sa tiwala na ibinahagi sa iyo ay nagwawasak nang mabuting pagsasama. Hindi nangangahulugan na nagbahagi sa iyo ang tao nang kanyang hinaing o problema ay kailangan na isiwalat mo rin ito sa iba at gawing paksa ng usapan; biro man ito o hindi. Matuto tayong maging sensitibo sa lahat ng bagay. Hindi natin namamalayan na may puso na palang lumuluha nang hindi natin namamalayan at nakakalimutan na natin ang limitasyon sa ating sarili.

Hindi ba't masakit na ang buhay mo ay gawing usapin sa mata nang ilan? At gawing katuwa-tuwa ang mga bagay na nangyari na hindi maganda? Hindi ka nakakatulong sa kanya bagkus ito ay  nagdudulot muli ng sugat na nagpapaalala sa pangit na nagdaan o kung hindi man ay pinalalala mo ang mga komplikadong sitwasyon.

Hindi ba’t mas higit na kasiya-siya sa pakiramdam na idinudulog sa iyo ng tao ang kanyang hinaing o problema? Nangangahulugan ito ng kanyang kapanatagan ng kalooban at higit sa lahat ay ang lubos na pagtitiwala. Ngunit, kung ang bagay na ito ay gagawin mo lamang paksa ng usapin ay tila tayo ay namamali ng ating layunin ng pagtanggap.

Minsan ay matuto tayong ilagay ang ating sarili  sa mga sitwasyon. Damhin natin ang dulot o epekto nito sa atin nang maunawaan natin ang nararamdaman ng iba. Saka natin sabihin sa ating sarili kung tama ba o mali ang ating ginagawa?

Tandaan natin na mas masakit ang sugat ng mga salita na ating binibitiwan kesa sa sugat na dulot ng patalim na iyong tangan.




No comments:

Post a Comment