About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Wednesday, December 28, 2011

Gusto ko Maging Angry Birds



Nakakatawa man isipin pero minsan inisip ko na maging Angry Bird ako at iyong taong nagpapabigat ng kalooban ko ang siyang aasintahin ko…(IMAO!)

Ito ay isang paghihimutok ng kalooban sapagkat di ko minsan maintindihan ang sitwasyon. Kahit anong pagsusumikap mong maibigay ang tama at konkretong trabaho ay tila laging palyado. Lahat ng pagkakamali kahit hindi ako ang may gawa ay sa akin pa rin ang sisi.

Ito ba ay pamemersonal o isang hamon lamang sa buhay?

Inisip ko na lamang na hamon sa buhay kaya patuloy akong nakikibaka at makikibaka sa maling nakikita ko at nararamdaman.

Hindi ko maitatanggi na ilang beses kong kailangan sabayan ang tugtog ng maling musika kahit alam kong mahirap pero tila nagiging mailap sa akin ang pagkakataon. Pilit na inililihis ang tiyempo ng musika sa tuwing ako ay iindak.

Nakakaburaot na!

Kahit na may kakayahan kang magreklamo ay tila sarado ang kanilang pandinig sa iyong mga daing. Mas nangingibabaw pa rin ang kagustuhan nila na tila ibinabaluktot ng maling sistema.

Hindi ko maitatatwa na makailang beses ko ng tinangka na lisanin ang mundong pinasok kong ito. Kaya lang. . .sa ngalan na lang ng pamilyang umaasa nang higit pa sa akin kaya patuloy pa rin akong sumusugal sa hamon at babakahin ang mundong kasalukuyang kong ginagalawan.

Salamat na lamang sa mga butihing kaibigan at kasamahan na minsan ay nagpapalakas ng aking kalooban.

Ngunit, hanggang kailan kaya ako tatagal?

Nararamdaman ko na kasi ang bigat sa aking dibdib….parang di ko na kaya..

Sana Angry Bird ako para may pagkakataon ako na maisambulat ang sama ng loob- ang masapul ang dapat masapul at may level-up pa…Mas maganda ang hamon kesa makipaglaro ka sa larong wala kang maramdaman na progreso, na sa halip na maglevel-up e binabawasan ka pa nga. Ayos!

Pasasaan ba’t masasapul din kita ‘ika nga ni Angry Bird.

Monday, December 19, 2011

Isang Matinding Hamon sa Atin sa Araw ng Kapaskuhan


Ginulantang na lamang ako ng mga balita nang araw nang linggo sa pangyayaring naganap mula sa Timog bahagi ng kapuluan ng ating bansa. Di ko akalain na kikitil nang maraming buhay ang bagyong Sendong sa panig ng Iligan, Cagayan De Oro at iba pang karatig-lugar. Ang pananalasa ng bagyo ay nagwasak ng kabuhayan at maging nang maraming tirahan.

Di ko maitatatwa na nakailang pagpatak ng luha ang dumaloy sa aking mata habang patuloy akong nakakabasa at nakakapanood ng balita ukol sa kasalukuyang lagay nila. Dinudurog ang puso ko ng awa. Ramdam ko ang sakit at bigat sa dibdib na mawalan ng mahal sa buhay lalo pa’t ito ay hindi inaasahan.

Ayokong isipin at sabihin sa sarili ko na “maswerte ako at ang pamliya ko sapagkat di sila ang naapektuhan”.. sapagkat hindi dapat.

Walang dapat nasaktan at binawian ng buhay.

Ang bawat pagtangis nila sa pagkawala ng kanilang pamilya ay nagpapabigat ng aking kalooban.. Sana hindi na lang nangyari ito. Sana panaginip na lang ang lahat.

Ngunit sadyang totoo ang imaheng nakikita ko. .

Sa pangyayaring ito ay may dapat pa bang sisihin?

Kung magsisihan ba tayo ay magagawa pa bang maibalik ang buhay na nawala.?

Makaahon kaya agad sila sa biglaang lugmok na kahirapan?

Wala na tayong dapat sisihin…wag na nating ituro ang sinuman ang may sala..

Sa panahon ngayon, kailangan nila tayo…kailangan nila ng matinding pagdamay…

Ito ang araw na itinakda nang muling pagdamay sa ating mga kapatid na Pilipino. MInsan sa buhay natin ay kailangan natin sikilin ang ating sarili sa mga materyal na bagay na nagpapasaya sa atin, bagkus ibahagi ang ating tulong- maliit man o malaki ay may magagawa para sa kapatid nating nasalanta at iniwan ng mga mahal nila sa buhay.

Panahon nang pagkatok sa ating mga puso. Panahon ng pagdamay. Panahon ng pagbahagi ng kaginhawaan sa mga kapatid nating nalugmok sa matinding kalamidad.

“Let’s ACT now. Let’s SHARE what we can give and OFFER what we can provide to them”

Saturday, December 17, 2011

Ano ang dapat gawin kung tinatamad kang magtrabaho?


1. Huwag aabsent.

2. Huwag male-late.

3. Pagkaupo mo sa iyong lamesa, buksan isa-isa ang drawer at magkalkal.
Kunwari ay may hinahanap.

4. Pagkatapos mong magkalkal, tumayo ka at tunguhin ang mga filing cabinet. Maghanap ka ng makakalikot.

5. Kung wala kang mahanap, tingnan mo ang iyong incoming & outgoing tray.
Kalkalin at maghanap ng mga natira sa iyong mga kinutkot kahapon.

6. Huwag kakainin muli. Labag sa kagandahang asal iyan.

7. Kung biglang dumating ang iyong boss, hawakan kaagad ang telepono at
magsalita. Kunwari ay tinatanong ka ng iyong kausap tungkol sa mga dokumento.

8. Sumagot ka ng "Oh! I am sorry but I will bring that to your office immediately."

9. Kumuha kaagad ng kahit anong folder at magpaalam nang maayos at buong giliw sa iyong boss. Lumabas ng nagmamadali.

10. Pumunta ka sa CR. Magsuklay. Tingnan mabuti ang sarili. Mag-retouch kung babae.

11. Kung lalaki ka naman, e tignan kung may tinga ka na nakasabit sa ngipin mo o dili kaya ay may kulangot o mahabang buhok sa ilong. Hilahin iyon para matagal ang minuto.

12. Kung babae ay tignan kung baligtad ang underwear na naisuot at kung  lalaki, maghilamos at basain ng konti ang buhok. Magtiris ng mga taghiyawat. Magtagal ng mga limang minuto. Kunwari e feeling gwapo at magaganda.

13. Pagkabalik mo sa iyong opisina, buksan muli ang computer. Hintaying matapos ang Auto Scan. Marami ring minuto ang magugugol dito. Magbukas ng isang file... Isa pa... at isa pa uli...!!! Pumunta sa ccmail, tingnan ang inbox kung may hindi pa nababasa. Magbasa. Kunwari ay bagong pasok ka lamang sa Grade One.

14. Pagkatapos ay kunin ang mga dapat gawing report. Titigang mabuti. Pag-aralan ang klase ng papel na ginamit. Bilangin kung ilang words ang nagamit.

15. Kung may tumawag sa telepono, kaagad sagutin. Huwag mong hayaang ibaba
kaagad ng kausap. Kumustahin. Tanungin tungkol sa mga National Issues
katulad ng tungkol sa mga jokes o kaya ang laban ni Pacquiao.Kumustahin din ang latest style na damit pati na kung saan magandang gimikan sa gabi at masarap na pulutan. Huwag lalagpas ng isang oras ang
pakikipag-usap. Magagalit ang iyong boss.

16. Kung may report na tatapusin, tapusin ng eksakto sa deadline hour. Kung may ita-type, magtype ng 10 wpm.

17. O kung hindi naman ay kumuha ng ilang dokumentong natapos na at ilagay sa ibabaw ng iyong mesa at kunwari ay may ginagawa ka habang nakabukas ang iyong paboritong website.Kailangan kunwari e abala ka sa gawaing opisina.Huwag kang ngingiti baka mahalatang may kausap ka sa website.

18. O kaya nman ay tunguhin ang mga file na inipon sa loob ng ilang araw. Ayusin isa-isa habang ini-imagine ang sarili na sumasahod ng 15,000 pesos isang buwan. Huwag tatapusin. Magtira ng para sa ilang araw na gawain.

19. Palaging magtungo sa CR. Kunwari ay may LBM o may sakit sa bato. Palagi ring bumisita sa ibang department,kunwari ay may kailangan na dokumento pero makikipagtsikahan lang.

20. Huwag mong titingnan ang iyong relo habang ginagawa mo ang lahat ng nasa itaas.


21. Kapag ginawa mo iyon ay lalo kang maiinip. Hayaang mag-enjoy ang sarili sa iyong katamaran. Magugulat ka na lamang na "time" na pala para umuwi.

22. Ayusin ang lamesa na para bang napakarami ng iyong tinrabaho. At bago umuwi, dumaan ng CR. Tingnan at hipuin ang mukha kung gaano kakapal.

23. Huwag pansinin ang mga kasamahan na mula umaga ay tingin nang tingin sa iyo. Hindi naman sila ang nagpapasuweldo.

HANDA KA NA BA KAIBIGAN?


Bura”, “Ta Con”, “Ta Beth”, “Tawe”, …ilan lamang ito sa mga tawagan naming magkakaibigan sa isa’t isa…Bawat isa sa amin ay may kanya-kanyang katangian na halos lahat ay magkakasalungat ng ugali…Ngunit, ang pilit kong inuukilkil sa aking isipan ay kung paano kami nagsimula at nabuo….ang natatandaan ko lang ay nung pumasok ako sa institusyon ng Columban at naging parte ng kahusayan ng paghubog ng kaalaman at kaasalan ay naroon na si Ta Con…4th  Year Teacher na siya noon at dun lang siya “umeepal” sa departamentong iyon…Maldita siya maski sa unang tingin pero may sanib din siyang katulad ko…Si Tawe ay sumunod sa akin ng ilang buwan dahil maagang nagresigned noon si Ms. Ebilane na siyang ka-batch ko sa Columban…kaya siya ang humalili….Si Tawe, sa biglaang tingin mo sa kanya ay mistula siyang seminarista…mapinong kumilos at magsalita, wala kang maitutulak sa kanyang ugali…Makalipas ang isang taon ay pumasok din sa institusyong ito si Ta beth, na kapag pinagmasdan mo pa lang ay makikita mo ang tunay na mother image sa kanya…malambing at maasikaso…

Sa panimula pa lamang ay mababanaag na ninyo ang kaibahan ng mga ugali namin, mgamagkakasalungat…..kasi sa aming magkakaibigan ako ang BLACKSHIP na matatawag,…pasaway, mabisyo at iba pang puedeng maikapit na negatibong ugali ay nasa akin…ngunit sa kabila ng lahat ng ito at ng katigasan ng ulo ko ay lagi nilang sinasabi sa akin na “o, iiyak ka na naman”Kilala nila ako bilang isang taong may mababang luha,…di ko din alam kung bakit???..

Sa dinami-dami ng outing at retreat namin mga guro ng Columban ay di ko na matandaan kung paano kami nagsimula…basta ang natandaan ko na lang ay magkakasama na kaming apat sa mga pictures noong nagkaroon kami ng retreat sa Nagbayan, Batangas, nagtour at nananghalian sa Villa Escudero, nag-Enchanted Kingdom nang makailang beses, nag-Star City, inikot ang Malabon Zoo,  nagtampisaw sa mga karagatan sa Olongapo at sa SBMA lalo’t higit ang pagligo ng gabi sa dagat kasama minsan ang kanya-kanyang pamilya, retreat sa Baguio, sa Tagaytay at kung saan-saan pang lugar na aming napasyalan na magkakasama…..

Hindi ko matatawaran ang ligayang hatid sa akin ng aking kapalaran sa Columban sapagkat doon ko nakita ang mga tunay kong kaibigan…

Sino ang makakalimot kay Ebok (John John Montajes) na halos kaututang dila ko na, na sa pagsapit ng uwian ay sa halip na sa bahay ang tuloy pag-uwi ay mamalagi muna kami kay “nanay” sa Showbank na aming tambayan upang magpalipas ng oras at magbahaginan ng  aming karanasan sa buong maghapon kaharap ang paborito naming inumin….Dito sa Showbank namin nilaro ang Cardinal games sa pamumuno ni Peter na tropa ni Ebok na orihinal..si Chris Torda na lagi na lamang kami tinatakasan pag nag-iinuman, si Kiko na sinasabing mayabang pero may ipagyayabang nga naman dahil sa husay niya sa Chemistry…si Klinefelter na halos sa tuwing iinom kami ay lagi na lamang unang bumabagsak sa aming tagayan…si Norman na may simpleng kalokohan din,…si Mr. Antes na talagang panalo lagi sa inuman na ilang beses ng lumalagpas sa bahay nila bunga ng kanyang kalasingan…si Michael Ting na kahit wala na sa Columban ay nandiyan pa din upang umagapay sa maBOTEng usapan at maging sa panahon na ikaw ay may problema…, kaibigang hindi ka bibitiwan sa panahon na may problema ka at handang umagapay at umunawa sa pagkukulang mo bilang indibidwal...pero higit sa lahat sa mga kainuman ay iba makisama si Bossing (Sir Bogz)… mapabuti o mapabote man ang usapan ay di ka talaga iiwan…ilang beses na akong nasangkot sa away at pag kinontak mo agad siya ay biglang darating na parang si SUPERMAN…Ilang saklolo na ba ang ginawa niya?..Nagulat nga ako nung tinadyakan niya ang isang nambastos na lalaki sa aming estudyante na nakatambay sa GEN-X…na di ko alam kung ilang baitang at nahulog ang lalaki sa pagkakatadyak…

Di ko din maitatatwa na may malaking puwang sa kasiyahan ng buhay ko si Karen Baluyut-Quintino, na naging kaututang-dila ko sa lahat ng bagay..Nagtutugma ang aming hilig at kalokohan sa buhay..Kami ang magtropa na away-bati...na pag nag-away e bibilang talaga nang maraming buwan bago kami magbati uli..Walang pansinan kahit na nasa iisang Faculty Room lang kami. Wari mo'y no one exist!..kasi naniniwala kami na "time will heal the wound"..ang mga away namin na simple ay pinalalaki namin para masaya..napag-uusapan kasi  kami at maraming nagmamalasakit sa amin...Si Karen ang babaeng pinaselosan noon ng gf ko e magkumare naman sila...Ewan ko ba kung anong karisma meron sa kaibigan kong ito gayung mas maganda naman nang di hamak ang gf ko..hahaaha

Di ko rin makakalimutan si Momi Sansu, sa kanyang imahe ng isang butihing ina..ang lagi kong kasabay mananghalian at kakwentuhan at kalabasan ko ng sama ng loob...Si Momi Su ay sadyang napakabuti sa sinuman..hindi ko lang alam kung pinagtitiyagaan lang din niya ako..hehehe, pero nakakasiguro akong love na love ako ni momi su..Siguro ang tingin sa akin ni momi su ay isang halaman na dapat diligan at busugin sa mga pangaral...heheheeh...matigas kasi ulo ko e...heheheh

Malaki din ang naging pasasalamat ko sa maagang tiwala na ipinagkaloob sa akin ng administrasyon na humawak ako ng 4th year class na alam kong komplikado ngunit di sila nabigo sa akin (yabang di ba?)….si Ta Con, Ta Beth at ako ay kapwa mga adviser ng 4th year at si Tawe ay Year Coordinator ng 2nd year (astig di ba?)…Mga BIGTIME sila…si Ta Con ay 4th year Coordinator at si Ta Beth ayEnglish Coordinator…ako???…sikreto…hahahhaha…isang ordinaryong manggagawa…

Maraming masasayang alaala ang nabuo sa akin sa pamamalagi ko ng mahabang taon sa Columban…at sa haba ng taon na iyon ay halos makailang beses na kaming nag-away ni Ta Con,….nandiyan ang burahin niya ang mukha ko sa larawan…na akala mo ay minasaker ang kapogian ko…Si Ta Beth naman ay once lang yata kami nagkatampuhan dahil sa maling gawi ko noon (pasaway nga ako e)..pero ang higit sa lahat at simula noon ay ni hindi pa namin nakakaaway si Tawe….kasi, itong taong ito ay di ko alam kung tao ba o hindi…kasi kahit asarin mo siya ay di napipikon at tatawanan ka lang niya…siya ang pinaka-COOL sa amin…Si Ta Beth at si Ta Con ko ay mga butangera….Sila iyong very expressive sa emotion…pag ayaw nila sa sistema at ayaw nila sa iyo ay sinasabi…kaya nga ako ay ilang beses na akong nasusupalpal ng mga ito..lalo na’t pag naamoy nila ang singaw ng alak sa katawan ko…pero alam ko hindi nila ako pinagtitiyagaan…nachachallenge lang sila sa ugali kong pasaway…(hehehehe)…pero ang totoo niyan ay mahal na mahal ako ng mga ito….ilang beses ko ng napatunayan kung gaano sila magpahalaga sa akin bilang kaibigan nila…..ako ang pinakachildish sa amin…ang mature sa aminMINSAN ay si Ta Beth…puro sermon….mother image nga e…pero may kapraningan din ang kaibigan kong ito…madrama din siyang katulad ko pero may sanib din na kalokohan na tulad namin ni Ta Con…Nahawa ba siya sa amin o sadya yatang inborn sa kanya ang simpleng pang-aasar ? ..pero mababaliw ka sa kanyang banat….“Calvin Klein” siya ang unang nagbansag sa akin ng pangalan na ito…Pogi daw kasi ako…hhehehehe.

Kumbaga sa teleserye, may kanya-kanya kaming papel sa buhay….si Ta Con ang madalas mang-asar kahit saan man kami magpunta at take note wala siyang pinipiling lugar kaya nga madalas kami nag-aaway….Ako naman ay laging may handang panlait….si Ta Beth ang aming mediator…in other wordsREFEREE ng aming buhay….si Tawe?…smile lang gagawin niyan….at higit sa lahat ay tatawanan ka lang niya kahit anong pang-aasar ang gawin mo sa kanya…sa kabuuan ikaw din ang maasar sa ginagawa mong pang-aasar sa kanya…

Makakalimutan ba ni Ta Con, na nag-one on one kami na nag-inom sa Sam’s…dahil may suliranin ako noon at ako ay kanyang dinamayan….walang patid ang aming pag-inom…di namin  alintana ang oras na iyon….Si Ta Con, ang laging “available” at handang sabayan ang hilig ko…basta PAKAININ mo lang siya….Sa Sam’s Pizza Haus tinikman ni Ta Con na kasama ako ang iba’t ibang flavor na naka-mix na ladies drink…d2 kami nagdramahan, nag-iyakan at nagtawanan…Di pa sana matatapos ang aming sentimyento kung hindi sumakit ang kanyang tiyan sa halu-halong flavor na kanyang nainom…KATAKAWAN kasi..hahahaha…Si Ta Beth ay bihira mong mayakag nang ganito kasi kailangang umuwi ng maaga upang asikasuhin ang kanyang pamilya….si Tawe naman, nang mga oras na iyon ay laging abala sa mga “raket” niya sa tutorial…nagpapayaman ang kupal…

Si Ta Beth naman ay hanggang ngayon ay di niya makalimutan ang pagsaklolo, pag-awat at pagtulong ko noon sa gulo nang halos itinuturing ko na rin na mga kapatid at kapamilya…Makakalimutan ba ni Ta Beth, na harangin niya ang mga driver na may hawak na mga tubo at balak ihambalos sa amin?…Si Ta Beth yata ang orihinal na “DARNA” sa makalumang henerasyon na sa wari niya ay di magkakalasug-lasog ang buto niya pag naihambalos din sa kanya iyon….Kakaiba talaga si Ta Beth…dakilang ina….Matapos ang kaguluhan na iyon, ay naramdaman ko na lang na masakit ang panga ko at batok…bunga siguro ng mga tarantadong umeepal na tsuper na sumasapak sa amin…may bahid na kami ng mga dugo…ang saya-saya….

Si Tawe ay ang laging may kontrol sa sarili…..madali mo siyang mayaya sa inuman pero alam niya ang limitasyon niya….Uuwi siya ng matino na akala mo ay di man lamang nakalagok kahit isang tagay lang…Siya ang tao na ang takbo ng pag-iisip ay laging positibo…ni hindi mo nakitang nagalit sa klase…ni hindi mo nakitang nagwala…maski pagalitan niya ang anak niya ay nakasmile pa rin siya….bakit kaya???..

Sa kanila ko napatunayan na hindi lang sila sa saya laging naririyan, maging sa panahon ng krisis ng buhay ko ay nakaagapay sila palagi…kailanman ay di nila ako binitiwan sa panahon na kailangan ko ng karamay at kakampi…na kahit sa anumang oras na kailangan ko sila ay laging handang dumamay lalo na sa usapin ng aking pamilya…..nandiyan si Tawe na susundan ako sa lugar na aking tambayan…si Ta Beth na papapuntahin niya ako sa kanila at handang makinig sa akin at papangaralan nila ako ni kuya Dan. Si Ta Zen na nanahimik naman ay sasalo sa aking matutuluyan kahit pansumandali lamang habang nagpapalipas ng sama ng loob…si Ta Con, na walang patid na kakatawag o kaya ay kakatxt bilang pagpapaalala….at kung hindi man ako sumagot ay nagpapasaload o kaya ay bentahan ako ng e-load…..maabilidad si Ta Con, kahit sa panahon na may problema “business is business”..hahhahhaa

Natatandaan ko pa na wala kaming ginawa sa tanang buhay namin kundi ang kumain..kumain…..kumain at lumamon hangga’t may pera at kahit walang pera din pala…Kasi gagamitin namin ang mga credit card ko sa Standard, HSBC at Citibank…Nag-iwan na kami ng alaala nang makailang beses sa Espresso, Mario, Max’sKenny Rogers, Wimpy’s, Cocolime, Gerry’s Grill, Meatplus, at iba pang mga sinasabing “class” na restaurant sa SBMA…basta may bagong bukas at bagong nadiskubre na makakainan ay kailangan namin na mapuntahan gaano man kalayo…Iisa lang ang isinisigaw ng aming sikmura, ang maghanap ng makakainan at dun din kami halos nagkakasundo….Kaya kapag nagkayayaan na kumain after class ay dire-diretso na…nagmamadali ng bumababa ng 2nd floor upang tunguhin ang daan palabas….

Si Ta Con ay kayang sumabay sa agos ng kalokohan ko lalo’t higit sa pagkuha ng litrato…na kahit anong anggulo ay match na match kaming dalawa…..kung anong mapagkasunduan naming itsura sa picture ay aming ginagawa…kaya pag nagtabi na kami at inilabas namin ang mobile namin na may camera ay umaatikabong picture-an na iyon…kahit pa may seminar o nasa publikong lugar kami..“Bura,…click..”  “Ta Con….click”….Nawawala ang pormalidad sa aming kasuotan at di namin alintana ang mga tao na nasa aming paligid….basta ang mahalaga sa amin ay masaya kami sa aming ginagawa na bagama’t kalokohan ay wala naman kaming natatapakang tao…Ito ang isang paraan ng ekspresyon ng aming kasiyahan…ginalit man kami o hindi ng aming mga estudyante…..Ito ay isang paraan din ng nag-uumalpas na aming emosyon bunga ng tensyon sa buong maghapon na pakikipagbuno sa aralin at  pagdidisiplina sa mga MAKUKULIT na estudyante..

Si Ta Beth, hindi pa masyado….mahiyain pa ang kaibigan kong ito hehheheheh…si Tawe ay ganun din, mahiyain nang kaunti at madalas nawawala kapag magpipicture-an na kami…alam niya kasing di siya madidiskubre…hehhehe….di namin malilimutan ang mga litanyang hinango pa namin sa mga pelikula kapag may pinagdidiskusyunan kaming walang kakwenta-kwenta… “sinasabi mo lang iyan kasi nakasanayan mo na”, “you’re absolutely right, I was never your friend im just you MAID kaya di mo ako nirerespeto”…. “para kang bukas na karinderya na handang pumasok sa gustong bumili”,…. “oo ate, puro na lang oo ate, oo ate..”(Si Ta Con ang may pakana ng lahat ng ito)..kaya marami ang naaaliw sa amin na mga kaguruan at nangangarap na maging bahagi ng aming samahan…Kaso pag di talaga ukol ay di bubukol…Nagiging bulaklak na namin ang paggamit ng mga tanyag na diyalogo mula sa pelikula…halos nagkokonek ang aming mga isipan kapag may mga litanyang lumalabas na mula sa aming bibig…lahat ay handa sa mga ganting isasagot at matatapos iyon sa tawanan,…

Ang pamilya ng bawat isa sa amin ay halos parang iisa…halos nagdugtung-dugtong na rin ang mga puso namin….hindi na kami naging iba sa pamilya ng bawat isa….KAPAMILYA kung kami’y magturingan….

Sa Seafront namin binuo ang pangarap na makaalagwa sa hirap ng buhay….ang seafront ang saksi ng aming matayog na pangarap…ng aming pighati at mga sentimyento kasama si Wayne na aking butihing kaibigan, Momi Susan na laging naririyan upang magmalasakit at makinig at si Ta Zen na kapwa ko iyakin…ang malawak na karagatan na iyon ang aming naging wishing shore….ilang barya na ba ang naibato namin?…di na mabilang…ang mahalaga ay unti-unti na namin naaabot ang pangarap….

Sa aming paghihiwalay sa institusyong aming nasimulan ay may baong pait ngunit sadyang kailangang harapin ang bagong buhay sa ibayong dagat sa ngalan ng pamilya…

Sa kabila ng malawak na karagatan na namamagitan sa amin ay patuloy ang aming ugnayan gaano man kalayo…hindi namin napuputol at puputulin

AN OPEN LETTER TO MY FATHER


Pa, 

This will be my 17th years without you but then I can still feel your presence and now I begin to scratch the surface of the impact you've had on my life. Pa, even in the midst of my successes, my problems (and there have been so many) and my shortcomings, you have always ACCEPTED me as I am. I am in awe of your strength, your integrity, and your painful endurance you deal. I know that you are REALLY PROUD of me for WHAT and WHO I am now. I am extremely blessed to have a father like you. Remember, I am your duplicate copy in so many ways from your aura to attitude (lol).Though I was not Noel Jr., but im proud to be same like you. The difference between us is I have a tearful eye. Anyway, our names were almost sounds the same- Noel and Jonnell hehehee. 


Pa, you know, I missed your louder voice when you were angry. I missed your simple smile to cover-up your tiredness after work. Before, I don’t really understand you in being strict and being diplomatic in imposing discipline. I admit, at my younger age I am not aware of anything that might cause problem to our family. My minds that time are set to play and to enjoy. Now I realized the reason why sometimes you scolded us and reprimanded about the things we do. We, (your siblings) may not be a good person right now without your guiding hands- for tapping us on our shoulder if we made things great and scolding us to remind our mistakes. I may not achieve my dreams without the BIG challenge you gave. And we were not being a good Christian without your thorough advice about God along with our mama. I am not vocal to you and it never been be trying to say how much I care and love you but you are really mean to us. Pa, you are more than BATMAN, SPIDERMAN and SUPERMAN to me. You are someone to look-up to no matter how tall I’ve grown. HAPPY FATHER’s DAY Papa.. 

Proud son, 
Jonnell 

Pssst...TSISMOSO AT TSISMOSA KA BA?


Sa lipunan natin ay sakit nang halos nakararaming tao ang pagiging mapagkalap ng mga maling balita at kadalasan ay madali tayong mapaniwala sa mga haka-hakang ito hanggang sa tuluyan na natin na isinalin-salin sa bibig nang halos nakakarami.

Nagmistula na tayong mga BATA na naglalaro ng mga bagay-bagay na ang nangingibabaw lamang sa atin ng mga oras na iyon ay ang kasiyahang dulot ng ating ginagawa pero hindi natin alintana ang masamang dulot nito.

Ang TSISMIS ay tsismis na kailanman o higit man ay pawang gawa-gawa lamang ng malikot na pag-iisip ng mga tao. Ang bawat kilos o galaw, pagkibot ng iyong bibig ay nabibigyan nila ng ibayong pananaw at konsepto upang maging kaiga-igaya sa mga taong makakarinig ng kanilang bagong ikakalat na balita at muling makakalap.

Ito ang salamin ng lipunan natin. Nakakatakot! Sila ang mga tunay na HALIMAW sa ating paligid. Pailalim kung sumagpang sapagkat di mo alam kung sino ang mga kalaban mo at kung sino ang mga TOTOOng tao na nasa paligid mo. Mayroon silang sariling mascara na kayang ikubli ang buo nilang pagkatao.

Ngunit kaibigan, masaya ka ba sa ginagawa mo? Masaya ka ba na pinagpipyestahan ng mga tao ang mali mong imahinasyon laban sa iyong kapwa? Masaya ka ba na nakikita mong nagdurusa ang abang tao at ang kanyang pamilya sa iyong mapaglubid na salita?

Napatunayan mo na ba sa sarili mo na nakatulong ng malaki sa iyo ang pagiging TSISMOSA at TSISMOSO?...Maaaring oo, sapagkat ikaw ang pinagsasagapan ng mga impormasyon ng lipunan sa paligid mo..Sikat ka, ika nga'

Pero hinay ka lang kaibigan, baka sa pagiging tsismoso at tsismosa mo ay di mo namamalayan na NAWAWASAK mo na pala ang buhay ng ibang tao at maaaring MAGKITIL ka pa ng BUHAY.

Kailan ka titigil sa pagkakalap ng maling balita???....Kapag WASAK na ang pamilya ng tao at NAGBUWIS na siya ng buhay dahil sa gulong ikaw LANG mismo ang may maling likha at sa baluktot mong hinala???

Gising ka kabayan...bago mahuli ang lahat…

IINDAK PA BA AKO SA MALING TUGTUGIN?



Hindi pala lahat ng tugtog ay p'wede mong sabayan...



Nakakalungkot isipin na kahit anong pagsusumikap mong maintindihan at masabayan ang bawat tunog ay tila hindi ipinagkakaloob sa iyo ang tamang tiyempo ng musika. Bagamat sinusubukan mong alamin ang bawat tiyempo ay tila may nagmamaniubra ng tunog upang ilihis ang bawat kilos at galaw mo.

May mga ilan din pala na akala mo ang lahat ay okey na gayung hindi pa pala sapat ang lahat- ang husay, galing at talento. Minsan ay kailangan ko na lang ibuntung-hininga nang malalim ang lahat sapagkat ito ang mundong ginusto ko at pinasok ko- ang iwanan ang propesyong aking nakamulatan .

Isa akong guro. At hindi ko ipagkakait na sabihin nang dahil sa mababang sahod ang nag-udyok sa akin upang mangibang-bansa at pansamantalang iwanan ang aking pamilya at ang aking propesyon. Malaki ang pinagkaiba ng buhay-manggagawa sa pinas at sa ibang bansa. Sapagkat sa ibang bansa, kung ituring ka ay alipin o mababang uri ng mga nasa mataas na estado ng lahi lalo pa sa antas ng ating pagkakakilanlan o nasyonalidad. Dito sa ibang bansa ay mararanasan mo na alimurahin ka. At dito mo masisikmurang lunukin ang lahat ng “pride” mo. Hindi para sa iyong sarili kundi para sa kinabukasan ng iyong pamilya. Madalas iniluluha mo na lamang nang palihim ang lahat dahil nasasaktan ka na. Kailangan mong ipakita sa pamilya mong “okey ka” kahit hindi na upang hindi sila mag-alala. Kailangan mong maging matapang at magpakatatag sapagkat hindi mo maibibigay ang nais mo para sa iyong pamilya kung mananatili ka lamang sa sarili mong bansa.  At iyan ang totoo.

Kaya lang, madalas kahit anong pagsusumikap mong maibigay ang nararapat para sa iyong trabaho ay tila laging may kulang. Lalo pa’t kung may kasama ka na kinikilingan at pinakakaingatan o pinangingilagan. Iyon bang sinasabi natin minsan na “hindi patas ang laban”.

“Fighter!” Iyan ang Pinoy. Ngunit kahit anong husay mo bilang Pilipino, kung mayroong taong nagmamaniubra sa mga gagawin mo…At may mga taong ibabaluktot ang lahat ng iyong ginagawa ay magmimistula kang talunan lalo pa’t hindi ganoon kalakas ang iyong padrino o “kapit”.

Sino ba ang ayaw ibigay ang tamang husay sa trabaho? Sino ba ang ayaw ng karagdagang benepisyo? Sino ba ang ayaw na magkaroon ng maganda at patas na laban sa trabaho? Sino ba ang ayaw na mabigyan ng magandang pagkilala?..Alam ko lahat tayo ay gusto natin na mangyari ito..

Kaya lang madalas ay ang hirap makibagay. Ang hirap sumabay sa agos ng buhay na halos hindi mo masundan. Bagamat pinipilt mong maisabay sa agos at maging sa tunog o indak ngunit parang laging may kulang.

Ngayon, dapat ko bang sisihin ang sarili ko?

Mali ba ang desisyon ko na ito?

O, humayo ako at sumuong na lang at bahala na kung ano ang maging kapalaran?

Minsan kailangan ko na lang isipin na hamon lang ito ng buhay. Na alam ko na kahit saan man magpunta ang tao  ay mayroon pa rin  mga taong kikilala sa kanyang kakayahan. Bagamat alam kong mayroon pa rin na tutuligsa at sasalungat sa kanyang mabuting intensyon at adhikain. Sapagkat kumikilos na lang siya hindi para sa sarili lang kundi higit sa kanyang pamilyang nagmamahal at umuunawa sa kanya...

Kaya nga madalas,bahala na lang ang tao makipaglaro sa hamon ng buhay…ang sumugal.

Kaya lang..

Kaya lang…

Parang ang hirap mamuhay na puno ng pagkukunwari sa mundo. Na ipinapakita mong masaya ka pero hindi na pala ayon sa dikta ng iyong kalooban. Mga simpleng bagay na lumalaki at pinalalaki sa mga simpleng pagkakamali.

Sana perpekto na lang akong tao.

Sana matagalan ko pa ang sayaw ng maling tugtugin.

Sana sa bawat tunog ng musika ay makaindak pa akong muli..

Kasi baka sa susunod ay di ko na makaya…