About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Saturday, December 17, 2011

IINDAK PA BA AKO SA MALING TUGTUGIN?



Hindi pala lahat ng tugtog ay p'wede mong sabayan...



Nakakalungkot isipin na kahit anong pagsusumikap mong maintindihan at masabayan ang bawat tunog ay tila hindi ipinagkakaloob sa iyo ang tamang tiyempo ng musika. Bagamat sinusubukan mong alamin ang bawat tiyempo ay tila may nagmamaniubra ng tunog upang ilihis ang bawat kilos at galaw mo.

May mga ilan din pala na akala mo ang lahat ay okey na gayung hindi pa pala sapat ang lahat- ang husay, galing at talento. Minsan ay kailangan ko na lang ibuntung-hininga nang malalim ang lahat sapagkat ito ang mundong ginusto ko at pinasok ko- ang iwanan ang propesyong aking nakamulatan .

Isa akong guro. At hindi ko ipagkakait na sabihin nang dahil sa mababang sahod ang nag-udyok sa akin upang mangibang-bansa at pansamantalang iwanan ang aking pamilya at ang aking propesyon. Malaki ang pinagkaiba ng buhay-manggagawa sa pinas at sa ibang bansa. Sapagkat sa ibang bansa, kung ituring ka ay alipin o mababang uri ng mga nasa mataas na estado ng lahi lalo pa sa antas ng ating pagkakakilanlan o nasyonalidad. Dito sa ibang bansa ay mararanasan mo na alimurahin ka. At dito mo masisikmurang lunukin ang lahat ng “pride” mo. Hindi para sa iyong sarili kundi para sa kinabukasan ng iyong pamilya. Madalas iniluluha mo na lamang nang palihim ang lahat dahil nasasaktan ka na. Kailangan mong ipakita sa pamilya mong “okey ka” kahit hindi na upang hindi sila mag-alala. Kailangan mong maging matapang at magpakatatag sapagkat hindi mo maibibigay ang nais mo para sa iyong pamilya kung mananatili ka lamang sa sarili mong bansa.  At iyan ang totoo.

Kaya lang, madalas kahit anong pagsusumikap mong maibigay ang nararapat para sa iyong trabaho ay tila laging may kulang. Lalo pa’t kung may kasama ka na kinikilingan at pinakakaingatan o pinangingilagan. Iyon bang sinasabi natin minsan na “hindi patas ang laban”.

“Fighter!” Iyan ang Pinoy. Ngunit kahit anong husay mo bilang Pilipino, kung mayroong taong nagmamaniubra sa mga gagawin mo…At may mga taong ibabaluktot ang lahat ng iyong ginagawa ay magmimistula kang talunan lalo pa’t hindi ganoon kalakas ang iyong padrino o “kapit”.

Sino ba ang ayaw ibigay ang tamang husay sa trabaho? Sino ba ang ayaw ng karagdagang benepisyo? Sino ba ang ayaw na magkaroon ng maganda at patas na laban sa trabaho? Sino ba ang ayaw na mabigyan ng magandang pagkilala?..Alam ko lahat tayo ay gusto natin na mangyari ito..

Kaya lang madalas ay ang hirap makibagay. Ang hirap sumabay sa agos ng buhay na halos hindi mo masundan. Bagamat pinipilt mong maisabay sa agos at maging sa tunog o indak ngunit parang laging may kulang.

Ngayon, dapat ko bang sisihin ang sarili ko?

Mali ba ang desisyon ko na ito?

O, humayo ako at sumuong na lang at bahala na kung ano ang maging kapalaran?

Minsan kailangan ko na lang isipin na hamon lang ito ng buhay. Na alam ko na kahit saan man magpunta ang tao  ay mayroon pa rin  mga taong kikilala sa kanyang kakayahan. Bagamat alam kong mayroon pa rin na tutuligsa at sasalungat sa kanyang mabuting intensyon at adhikain. Sapagkat kumikilos na lang siya hindi para sa sarili lang kundi higit sa kanyang pamilyang nagmamahal at umuunawa sa kanya...

Kaya nga madalas,bahala na lang ang tao makipaglaro sa hamon ng buhay…ang sumugal.

Kaya lang..

Kaya lang…

Parang ang hirap mamuhay na puno ng pagkukunwari sa mundo. Na ipinapakita mong masaya ka pero hindi na pala ayon sa dikta ng iyong kalooban. Mga simpleng bagay na lumalaki at pinalalaki sa mga simpleng pagkakamali.

Sana perpekto na lang akong tao.

Sana matagalan ko pa ang sayaw ng maling tugtugin.

Sana sa bawat tunog ng musika ay makaindak pa akong muli..

Kasi baka sa susunod ay di ko na makaya…





No comments:

Post a Comment