Nakakatawa man isipin pero minsan inisip ko na maging Angry Bird ako at iyong taong nagpapabigat ng kalooban ko ang siyang aasintahin ko…(IMAO!)
Ito ay isang paghihimutok ng kalooban sapagkat di ko minsan maintindihan ang sitwasyon. Kahit anong pagsusumikap mong maibigay ang tama at konkretong trabaho ay tila laging palyado. Lahat ng pagkakamali kahit hindi ako ang may gawa ay sa akin pa rin ang sisi.
Ito ba ay pamemersonal o isang hamon lamang sa buhay?
Inisip ko na lamang na hamon sa buhay kaya patuloy akong nakikibaka at makikibaka sa maling nakikita ko at nararamdaman.
Hindi ko maitatanggi na ilang beses kong kailangan sabayan ang tugtog ng maling musika kahit alam kong mahirap pero tila nagiging mailap sa akin ang pagkakataon. Pilit na inililihis ang tiyempo ng musika sa tuwing ako ay iindak.
Nakakaburaot na!
Kahit na may kakayahan kang magreklamo ay tila sarado ang kanilang pandinig sa iyong mga daing. Mas nangingibabaw pa rin ang kagustuhan nila na tila ibinabaluktot ng maling sistema.
Hindi ko maitatatwa na makailang beses ko ng tinangka na lisanin ang mundong pinasok kong ito. Kaya lang. . .sa ngalan na lang ng pamilyang umaasa nang higit pa sa akin kaya patuloy pa rin akong sumusugal sa hamon at babakahin ang mundong kasalukuyang kong ginagalawan.
Salamat na lamang sa mga butihing kaibigan at kasamahan na minsan ay nagpapalakas ng aking kalooban.
Ngunit, hanggang kailan kaya ako tatagal?
Sana Angry Bird ako para may pagkakataon ako na maisambulat ang sama ng loob- ang masapul ang dapat masapul at may level-up pa…Mas maganda ang hamon kesa makipaglaro ka sa larong wala kang maramdaman na progreso, na sa halip na maglevel-up e binabawasan ka pa nga. Ayos!
Pasasaan ba’t masasapul din kita ‘ika nga ni Angry Bird.
nice one Sir...
ReplyDeletethanks Chai....hehheeh
ReplyDelete