About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Sunday, February 12, 2012

SAGWAN NG PAGMAMAHAL


Ang isang mabuting relasyon daw ay nasusukat sa haba ng inyong tunay na pagkakaibigan.

Hindi ko maikakaila na halos lahat ng mga taong sumuong sa relasyon ay nabuo lamang sa isang simpleng pagkakaibigan na nauwi sa totoong pagmamahalan.

Kung babalikan nga natin at sasariwain ang buhay natin sa panahon ng ating kabataan, katuwang ang taong naging kabiyak na ng ating buhay ay napakasarap balik-balikan…ngunit may ilan naman na ayaw nang sariwain at balikan dahil sa maling pagmamahal…

Sadya nga bang mapaglaro ang tadhana? O di lang tayo marunong makipaglaro kaya agad-agad tayong sumusuko?

O sadya lamang binulag tayo ng mga maling pagkakataon sa buhay natin?

Kaya nga minsan ay natanong ko sa aking sarili, paano mo ba sasabayan ang laro ng tadhana kung ang mismong kalaro ay ayaw ng makipaglaro?

“Hayyyyyy” …ang madalas nating nasasambit pag pumapalya tayo sa maling desisyon na ating ginawa.
Ngunit, kaalinsabay ng ating malalim na bunting-hininga ay ang muling pagbangon at pagharap sa inaasam sa susunod na maaaring sumugat ng ating puso o dili kaya ay tuluyang magpapahilom ng sugat na iniwan ng isang nakaraan.

Sa bawat pagtibok ng puso ay kaakibat nito ang timyas ng pagmamahal at pag-asang makakaagapay sa problemang idudulot ng hamon ng pagmamahal. Iyong handa tayong makipaglaro. Na kapag alam natin na nahihirapan na tayo ay natututo tayong magsagwan upang ibalanse ang mga bagay na alam nating magpapabigat lang sa lalim ng pagmamahal na sinisikap na buuin.

Walang perpektong relasyon.

Ngunit may taong handang gawing perpekto ang lahat , huwag lang mawasak ang nasimulan.

Kung ang bawat pangyayaring nagaganap ay tinitignan natin bilang isang pasanin sa atin ay hindi magiging progresibo ang lahat. Bagkus, magsisilbi pa itong matinding sugat o lamat upang tuluyang mabuwag ang binuong pundasyon ng pagmamahal.

Kadalasan pa nga, madamot tayo sa  Katapatan para sa ating sarili…

Bakit kaya?

Kabawasan ba ng ating pagiging tunay na lalaki o babae ang pagiging tapat?

O sadyang takot lang tayo na harapin ang katotohanan na nakagapos tayo sa sinumpaang pagmamahalan sa harap ng altar at ng Diyos?

Huwag lang sana dumating sa punto na sa iyong pagsagwan ay malunod ka at magkamali ka ng iyong pagsagip… na sa bandang huli ay pagsisisihan mo ang bangungot na ikaw mismo ang may gawa.

Thursday, February 9, 2012

NASA TAMANG HUWISYO KA BA KABAYAN???


Isa akong OFW.

Sa ilang taon ko na pamamayagpag sa buhay-abroad at pakikisalamuha sa iba’t ibang lahi ay marami akong napagtanto lalo na sa mga ugaling pinoy. Di ko alam kung likas o sadyang nagpapakitang gilas lamang.

Hindi ito isang pagkukundena bagkus namamasid lamang ang mali at baluktot na gawain na maaaring magwasak ng pamilyang binuo na matapos buuin ay wawasakin rin lang pala.

Sa aking pagmamasid at pakikisalamuha sa ating mga kababayan, marami akong mga katanungan sa aking isipan. Ngunit ang mga katanungan na ito ay di ko maapuhap ng magandang kasagutan na masasabi kong solidong katwiran.

Mga katanungan na naghihintay ng mapaninindigang kasagutan.

Mga katanungan na nanatiling katanungan sa lahat at nilalaro na lang ng lahat.

Nakakatakot…!

Ngunit hindi sa aking sarili bagkus sa mga taong nagtitiwala at nagmamahal sa kanila.

Kasi parang ginawa na lang nilang laro at palabas ang lahat…

Mga laro at palabas na alam nilang ang dulo nito ay magbubunga ng matinding lamat at magwawasak ng pamilyang umaasa…

Mga pamilyang umasa sa pangakong magsasama ng maluwat…

Minsan nga ay naitanong ko sa aking sarili…

Naihanda na ba nila ang sarili sa mga bagay na ayaw nilang mangyari?

O sadyang wala na silang paggalang sa asawa, anak at lalo’t higit sa kanilang SARILI?

Minsan nga ay nakakatuwang isipin, na matapos na ipagsawalang bahala ang iyong mga paalala sa posibleng mangyari ay sa bandang huli ay sa iyo rin pala lalapit upang humingi ng tulong at saklolo upang ayusin ang gusot na siya lamang ang may gawa…tsk tsk…

Mga taong naaalala ka lang sa panahon na alam niyang wala na siyang kakampi.

Mga taong naaalala ka lang sa panahon na kailangan niya nang karamay sa paglutas sa multong siya ang may gawa na kakatakutan din pala niya sa bandang huli.

Nakakatuwang isipin…dun ka lang pala niya alalahanin sa oras na nagigipit na siya sa bangungot na nilikha niya…
Mga panahon na minsan ay isinantabi ang iyong mga sinabi para sa kanyang ikabubuti.

Minsan naisip ko, bakit hindi niya kayang resolbahin ang problemang siya ang may gawa? Malakas nga ang loob niya nung sinuong niya ang baluktot at maling  daan para sa personal niyang kaligayahan, pero ngayong lilinisin na niya ang duming dinaanan niya ay di na niya kinaya?

Nasa tamang huwisyo ka nga ba kabayan???

Tuesday, January 24, 2012

MAY UTANG KA BA???

“Pare, pautang naman…kailangan ko lang kasi ng pera ngayon dahil may ……………….(mga samu’t saring dahilan na kauna-unawa naman)”

Naranasan mo na bang may dumulog sa iyo at sinabi niya ng diretsuhan na ipang-iinom niya lang ng alak o ipambabae o ipanlalaki niya o kaya ay sa mga walang kuwentang bagay?...Wala pa!…kasi kapag sinabi nila iyan ay paniguradong hindi mo pauunlakan…..Kaya kailangan na mag-isip ng magandang idadahilan na “ACCEPTED” ng taong iyong lalapitan……sa madaling salita “VALID”.

Nakakatuwa ngang isipin na maraming nakakaalala sa iyo sa panahon ng krisis ng buhay…..parang ang tingin ng tao sa iyo ay ikaw ang DIYOS at TAGAPAGLIGTAS sa panahon ng kanilang paghihikahos…Hindi masama….Hindi masama ang tumulong sa iyong komunidad……Masarap ngang maranasan na makatulong sa tao sapagkat naisalba mo ang kanilang buhay sa kakapusan ng kakainin ng kanilang anak (?), sa kanilang mabigat na karamdaman(?), sa kanilang pag-aplay sa trabaho(?) pagkamatay ng kamag-anak(?), mabigat na karamdaman ng pamilya(?) mabigat na suliraning pampamilya(?)…at marami pang ibang kahabag-habag na dahilan na labis na ikadurugo ng iyong puso at ikababagabag ng iyong SARILING kunsensya….

kaya lang…..

kaya lang…….

kaya lang……….

Ooops, mahabang panahon na ang nakalipas….dumaan na ang buwan, mga buwan, taon, mga taon at ilang beses ng nagpainit si Haring Araw at nagpatulog si Reynang Buwan at tila……nasaan na kayo?????

Hayyyyy…..ang tao nga naman…kapag dumulog sa iyo ay walang patumpik-tumpik at mabilis pa sa tinatawag na “alas Kuatro” at sasabayan pa ng makabagbag damdamin nilang boses at kahabag-habag na mukha….ngunit sa panahon na kailangan mo na sila ay mas higit pa kay Pong Pagong sa kabagalan o katagalan sa pagtupad sa pangakong napagkasunduan…..

o kung hindi man ay tila iginuhit na nila sa tubig ang kanilang mga pangako….

o kung hindi man ay “IKAW PA ANG MASAMA!” at sila pa ang may karapatang MAGALIT.

Kasi makulit ka na nagpapaalala sa pangakong inyong napagkasunduan!…..

Oo nga no, makulit nga ako……Napagtanto ko na kaya pala ako nagtrabaho at nagpakalayo sa pamilya at pumalaot sa ibang bansa upang BUHAYIN ang lahat ng mga tao na nasa paligid ko???….

Hayyyyy…..Teka muna pala, naisip ko na naghihikahos nga din pala ang pamilya ko na kailangan din nila na maranasan ang ginhawa ng buhay..ngunit tila di nila magawa at di sila makaalagwa sa hirap ng buhay sapagkat may malawak na nakikibahagi sa aking pagsasakripisyo at pagpapakahirap sa mundo na malayo sa pamilya…..

PARAISO…..iyan ang tingin ng lahat ng tao sa lupain ng mga maunlad na bansa…Na lahat ng mga nasa ibang bansa ay nagkakamal ng mga malalaking salapi…at umiinog lang ang perang iyon sa kanyang mundo…..ikaw ang HARI ng iyong SALAPI….ikaw ang kanilang PAG-ASA…..hindi ng iyong pamilya kundi ng mga taong naghihintay na BAGYUHIN mo sila ng biyaya at AMBUNAN mo lang ang iyong pamilya…..

Ito ba talaga ang sistemang kinalakihan ng mga PINOY??...

Aba, kung magpapatuloy ang ganitong kalakalan ay wala na tayong ipinagkaiba sa mga LINTA na sumisipsip ng mga dugo at lakas ng tao…..mistula na tayong mga BAMPIRA ng ating sariling lahi…..ibinibilanggo natin ang ating sarili sa isang kahon na ayaw nating umalagwa at kumilos…..isinara na natin ang PRINSIPYO at PAGTITIWALA na ating pinakakaingatan….hinayaan na nating mabahiran ng DUNGIS ang ating pagkatao at MAWASAK ang matagal ng samahan na ibinuo na pinuhunan ng masayang alaala…..

Ooops..ito po ay obserbasyon lamang… “Batu-bato sa langit ang tamaan ay wag magagalit….ang mapikon ay siya ang laging TALO!”…..KILOS ka din kabayan……..

Sunday, January 22, 2012

NASAAN KA NA KAIBIGAN?


Masarap ang maging mabuti at nakakatulong sa mga taong kumakatok sa iyong puso…nakagagaan ng kalooban sapagkat kahit sa simpleng paraan ay nakapagpatawid ka ng buhay at nakapagpaginhawa ka ng mga taong naghihikahos o kung hindi man ay nagpagaan ng kanilang mabigat na kalooban at alalahanin….

Ngunit, minsan…naisip ko na mahirap din pala ang palagi kang mabuti sa iyong kapwa…mahirap ang lagi mong binubuksan ang tainga mo sa pagdinig sa kanilang mga daing at maging ang pagbukas ng iyong puso upang maintindihan mo ang kanilang sitwasyon at nararamdaman..kasi minsan IKAW pala ang BIKTIMA ng lahat nang hindi mo namamalayan…

Nakakalungkot lang isipin na matapos kang maging parte ng kaginhawaan nila, sa kanilang matinding pangangailangan… at mapakinabangan ka nila sa panahon na may mabigat silang alalahanin ay tila nasaan na sila??? Naibaon ka na nang matindi sa limot…tsk..tsk..tsk…. Na sa panahon na ikaw ang may kailangan ay sinarado na nila ang kanilang tainga at ang puso sa pagdamay….o kung minsan naman ay parang ikaw pa ang may obligasyon at dapat na magmakaawa sa sarili mong pera na noong una ay halos magkandarapa siya sa paghingi ng tulong na pinansyal…

Nakailang beses nang namayagpag sa kalangitan si Haring araw at si Reynang buwan..nakailang unos na ang humagupit sa bansa, umulan, bumagyo, umaraw at halos ang pagputok ng bulkang Mayon ay tila umaayon na sa nagngangalit na kalooban….Nasaan ka na kaibigan??? Tila alang nangyayari sa mga bagay na ikaw mismo ang gumawa ng kasunduan…sa mga pangakong paulit-ulit mong binibitiwan... Ang katumbas ba ng pangako mo ay katulad ng pag-ibig na minsan ay ibinabaon na lamang sa limot???…tsk tsk tsk..kawawa naman ang buhay ng tao na umasa sa pangako na binitiwan kung lahat ay katulad mo…

Mistula na tayong mga nilikha ng Diyos na bagama’t may buhay ay tila walang pakiramdam sa kanilang nasasakupan…mistula na tayong lason na kumakalat at pumapatay ng mga taong ating pinaasa…

Kayang WASAKIN ang PAGTITIWALA!…Nakakapanghinayang lang na sa haba ng panahon ng pagpupundar bilang mabubuting kaibigan ay mawawasak lang pala sa simpleng materyal at dito lang pala masusukat ang iyong kabuuan… Kaya mong dungisan ang iyong pagkatao nang dahil lamang sa hindi maunawaang dahilan at kayang bulagin ang sarili sa tagumpay na iyong tinatamasa….Kaya lang kaibigan, baka sa muli mong paglagpak at paghalik sa lupa ay wala ng taong handang makinig at tumulong sa iyo?….

Tama nga ang sinabi ng isa kong kaibigan na “ hindi lahat ng nakangiti ay kaibigan”…mga HALIMAW pala sila na sumisipsip ng dugo at lakas…mga mapagsamantala sa lahat ng bagay na hindi man puno ng kabutihan ay nagpahalaga sa samahan na nasimulan…

Ingat ka din kaibigan…

Ooops..ito po ay obserbasyon lamang…at bunga ng malikot na imahinasyon… “ Batu-bato sa langit ang tamaan ay wag magagalit…ang mapikon ay siya ang laging TALO!”

Wednesday, December 28, 2011

Gusto ko Maging Angry Birds



Nakakatawa man isipin pero minsan inisip ko na maging Angry Bird ako at iyong taong nagpapabigat ng kalooban ko ang siyang aasintahin ko…(IMAO!)

Ito ay isang paghihimutok ng kalooban sapagkat di ko minsan maintindihan ang sitwasyon. Kahit anong pagsusumikap mong maibigay ang tama at konkretong trabaho ay tila laging palyado. Lahat ng pagkakamali kahit hindi ako ang may gawa ay sa akin pa rin ang sisi.

Ito ba ay pamemersonal o isang hamon lamang sa buhay?

Inisip ko na lamang na hamon sa buhay kaya patuloy akong nakikibaka at makikibaka sa maling nakikita ko at nararamdaman.

Hindi ko maitatanggi na ilang beses kong kailangan sabayan ang tugtog ng maling musika kahit alam kong mahirap pero tila nagiging mailap sa akin ang pagkakataon. Pilit na inililihis ang tiyempo ng musika sa tuwing ako ay iindak.

Nakakaburaot na!

Kahit na may kakayahan kang magreklamo ay tila sarado ang kanilang pandinig sa iyong mga daing. Mas nangingibabaw pa rin ang kagustuhan nila na tila ibinabaluktot ng maling sistema.

Hindi ko maitatatwa na makailang beses ko ng tinangka na lisanin ang mundong pinasok kong ito. Kaya lang. . .sa ngalan na lang ng pamilyang umaasa nang higit pa sa akin kaya patuloy pa rin akong sumusugal sa hamon at babakahin ang mundong kasalukuyang kong ginagalawan.

Salamat na lamang sa mga butihing kaibigan at kasamahan na minsan ay nagpapalakas ng aking kalooban.

Ngunit, hanggang kailan kaya ako tatagal?

Nararamdaman ko na kasi ang bigat sa aking dibdib….parang di ko na kaya..

Sana Angry Bird ako para may pagkakataon ako na maisambulat ang sama ng loob- ang masapul ang dapat masapul at may level-up pa…Mas maganda ang hamon kesa makipaglaro ka sa larong wala kang maramdaman na progreso, na sa halip na maglevel-up e binabawasan ka pa nga. Ayos!

Pasasaan ba’t masasapul din kita ‘ika nga ni Angry Bird.

Monday, December 19, 2011

Isang Matinding Hamon sa Atin sa Araw ng Kapaskuhan


Ginulantang na lamang ako ng mga balita nang araw nang linggo sa pangyayaring naganap mula sa Timog bahagi ng kapuluan ng ating bansa. Di ko akalain na kikitil nang maraming buhay ang bagyong Sendong sa panig ng Iligan, Cagayan De Oro at iba pang karatig-lugar. Ang pananalasa ng bagyo ay nagwasak ng kabuhayan at maging nang maraming tirahan.

Di ko maitatatwa na nakailang pagpatak ng luha ang dumaloy sa aking mata habang patuloy akong nakakabasa at nakakapanood ng balita ukol sa kasalukuyang lagay nila. Dinudurog ang puso ko ng awa. Ramdam ko ang sakit at bigat sa dibdib na mawalan ng mahal sa buhay lalo pa’t ito ay hindi inaasahan.

Ayokong isipin at sabihin sa sarili ko na “maswerte ako at ang pamliya ko sapagkat di sila ang naapektuhan”.. sapagkat hindi dapat.

Walang dapat nasaktan at binawian ng buhay.

Ang bawat pagtangis nila sa pagkawala ng kanilang pamilya ay nagpapabigat ng aking kalooban.. Sana hindi na lang nangyari ito. Sana panaginip na lang ang lahat.

Ngunit sadyang totoo ang imaheng nakikita ko. .

Sa pangyayaring ito ay may dapat pa bang sisihin?

Kung magsisihan ba tayo ay magagawa pa bang maibalik ang buhay na nawala.?

Makaahon kaya agad sila sa biglaang lugmok na kahirapan?

Wala na tayong dapat sisihin…wag na nating ituro ang sinuman ang may sala..

Sa panahon ngayon, kailangan nila tayo…kailangan nila ng matinding pagdamay…

Ito ang araw na itinakda nang muling pagdamay sa ating mga kapatid na Pilipino. MInsan sa buhay natin ay kailangan natin sikilin ang ating sarili sa mga materyal na bagay na nagpapasaya sa atin, bagkus ibahagi ang ating tulong- maliit man o malaki ay may magagawa para sa kapatid nating nasalanta at iniwan ng mga mahal nila sa buhay.

Panahon nang pagkatok sa ating mga puso. Panahon ng pagdamay. Panahon ng pagbahagi ng kaginhawaan sa mga kapatid nating nalugmok sa matinding kalamidad.

“Let’s ACT now. Let’s SHARE what we can give and OFFER what we can provide to them”

Saturday, December 17, 2011

Ano ang dapat gawin kung tinatamad kang magtrabaho?


1. Huwag aabsent.

2. Huwag male-late.

3. Pagkaupo mo sa iyong lamesa, buksan isa-isa ang drawer at magkalkal.
Kunwari ay may hinahanap.

4. Pagkatapos mong magkalkal, tumayo ka at tunguhin ang mga filing cabinet. Maghanap ka ng makakalikot.

5. Kung wala kang mahanap, tingnan mo ang iyong incoming & outgoing tray.
Kalkalin at maghanap ng mga natira sa iyong mga kinutkot kahapon.

6. Huwag kakainin muli. Labag sa kagandahang asal iyan.

7. Kung biglang dumating ang iyong boss, hawakan kaagad ang telepono at
magsalita. Kunwari ay tinatanong ka ng iyong kausap tungkol sa mga dokumento.

8. Sumagot ka ng "Oh! I am sorry but I will bring that to your office immediately."

9. Kumuha kaagad ng kahit anong folder at magpaalam nang maayos at buong giliw sa iyong boss. Lumabas ng nagmamadali.

10. Pumunta ka sa CR. Magsuklay. Tingnan mabuti ang sarili. Mag-retouch kung babae.

11. Kung lalaki ka naman, e tignan kung may tinga ka na nakasabit sa ngipin mo o dili kaya ay may kulangot o mahabang buhok sa ilong. Hilahin iyon para matagal ang minuto.

12. Kung babae ay tignan kung baligtad ang underwear na naisuot at kung  lalaki, maghilamos at basain ng konti ang buhok. Magtiris ng mga taghiyawat. Magtagal ng mga limang minuto. Kunwari e feeling gwapo at magaganda.

13. Pagkabalik mo sa iyong opisina, buksan muli ang computer. Hintaying matapos ang Auto Scan. Marami ring minuto ang magugugol dito. Magbukas ng isang file... Isa pa... at isa pa uli...!!! Pumunta sa ccmail, tingnan ang inbox kung may hindi pa nababasa. Magbasa. Kunwari ay bagong pasok ka lamang sa Grade One.

14. Pagkatapos ay kunin ang mga dapat gawing report. Titigang mabuti. Pag-aralan ang klase ng papel na ginamit. Bilangin kung ilang words ang nagamit.

15. Kung may tumawag sa telepono, kaagad sagutin. Huwag mong hayaang ibaba
kaagad ng kausap. Kumustahin. Tanungin tungkol sa mga National Issues
katulad ng tungkol sa mga jokes o kaya ang laban ni Pacquiao.Kumustahin din ang latest style na damit pati na kung saan magandang gimikan sa gabi at masarap na pulutan. Huwag lalagpas ng isang oras ang
pakikipag-usap. Magagalit ang iyong boss.

16. Kung may report na tatapusin, tapusin ng eksakto sa deadline hour. Kung may ita-type, magtype ng 10 wpm.

17. O kung hindi naman ay kumuha ng ilang dokumentong natapos na at ilagay sa ibabaw ng iyong mesa at kunwari ay may ginagawa ka habang nakabukas ang iyong paboritong website.Kailangan kunwari e abala ka sa gawaing opisina.Huwag kang ngingiti baka mahalatang may kausap ka sa website.

18. O kaya nman ay tunguhin ang mga file na inipon sa loob ng ilang araw. Ayusin isa-isa habang ini-imagine ang sarili na sumasahod ng 15,000 pesos isang buwan. Huwag tatapusin. Magtira ng para sa ilang araw na gawain.

19. Palaging magtungo sa CR. Kunwari ay may LBM o may sakit sa bato. Palagi ring bumisita sa ibang department,kunwari ay may kailangan na dokumento pero makikipagtsikahan lang.

20. Huwag mong titingnan ang iyong relo habang ginagawa mo ang lahat ng nasa itaas.


21. Kapag ginawa mo iyon ay lalo kang maiinip. Hayaang mag-enjoy ang sarili sa iyong katamaran. Magugulat ka na lamang na "time" na pala para umuwi.

22. Ayusin ang lamesa na para bang napakarami ng iyong tinrabaho. At bago umuwi, dumaan ng CR. Tingnan at hipuin ang mukha kung gaano kakapal.

23. Huwag pansinin ang mga kasamahan na mula umaga ay tingin nang tingin sa iyo. Hindi naman sila ang nagpapasuweldo.