About Me

My photo
ABU DHABI, United Arab Emirates
Sa kabila ng mga ngiting inyong nasisilayan ay nagkukubli ang isang damdamin na naghahanap palagi ng mga tamang kasagutan. Tinutuklas ito ng mga matang mapagmasid, maging ng tengang nakikinig… at tinitimbang ng pusong nakadarama at maging ng isipang kumikilala. May mga saloobin na hindi kayang isigaw ng damdamin sa paraang hayagan. Tanging ang makinilya, ang pluma o papel ang tanging KAKAMPI, ang tanging makakapagpagaan ng umiiyak na kalooban…Tanging ito lamang ang magpapawi ng agam-agam o kalungkutan…Ang magpapasaya ng lahat.. Ang tutuklas at kikilala ng mga baluktot at magandang pangyayari sa buhay…

Wednesday, June 10, 2015

Salamat sa COMFORT

Ito ang lugar na mas kilala bilang “Quiet” o “Time-out room”. Maliban sa ito ang lugar kung saan tayo nagbabawas o dumudumi ay higit na may malaking puwang ito sa ating sarili.

Hindi mo maikakaila na ang silid na ito minsan ay naging saksi ng iyong mga pagluha. Maaaring hindi lamang iisang beses naging saksi ang kuartong ito sa iyo. Sapagkat alam kong minsa’y nailuha mo sa kuartong ito ang iyong pangungulila sa iyong mahal sa buhay. Nailuha mo rito ang poot o sama ng loob na hindi mo maibulalas sa isang tao. Ipinaubaya mo sa kuartong ito ang pagluha ng makailang beses. Iniibsan nito ang iyong bigat ng kalooban hanggang sa mapawi ang damdamin na nagpapabigat sa iyo. Pinapakalma ka nito hanggang sa maikubli mo ang iyong hinampo na nararamdaman. Babalik ka sa normal na takbo ng iyong buhay. Haharap ka uli ng panibago.

Ang kuartong ito ang laging saksi ng iyong matamis at totoong mga ngiti, mapaumaga man hanggang sa bago ka matulog. Makailang beses kang ngumingiti at paulit-ulit kang ngumingiti na malaya. Ipinaubaya mo sa kuartong ito ang iyong kagandahan at kawagasan ng iyong matamis na ngiti. Walang halong pagkukunwari. Kay sarap pagmasdan.

Nakakatuwa pa nga minsan isipin na ang kuartong ito ang iyong sandigan ng pakikipagdayalogo. Naging saksi ito kung paano mo inihahanda ang iyong ekspresyon, ang pagkibot ng iyong mga labi, pagtaas ng kilay, panlalaki ng mga mata at butas ng ilong at maging ang pagbaling ng iyong ulo… Hindi nga ba’t nakakatuwa na ang kuartong ito ay minsa’y naging saksi ng iyong nakakatuwang kalokohan?

May mga panahon pa nga minsan na gusto mong makita ang iyong di kaaya-ayang itsura sa harap ng salamin lalo na sa oras ng iyong paggising. Ngunit mas higit na nasilayan ng apat na sulok ng kuartong ito ang iyong kakisigan at kaseksihan sa iyong pananamit habang paikot-ikot ka sa harap ng salamin. Sapagkat mas pinaglaanan mo ng oras ang iyong sarili sa pag-aayos upang mangibabaw ang iyong tunay na kagandahan o kagwapuhan.

Sa kuartong ito ay mayroon kang kalayaan na hindi mo kayang gawin sa harap ng maraming tao. Dito mo lang nagagawang umawit na mag-isa na walang kokontra sa iyong boses kahit ito pa man ay sintunado o ang boses mo ay naghuhurementado. Sapagkat mas naaaliw ka sa alingawngaw ng iyong boses sa apat na sulok nito. Kaiga-igaya ‘ika nga. Ikaw na ang mang-aawit, ikaw na rin ang hurado ng iyong sariling boses. Saksi lamang ang kuartong ito sa iyong tinig.

Ang kuartong ito na tinatawag natin na maduming lugar ay minsa’y naging saksi ng iyong panandaliang tulog sa oras ng trabaho. Ito ang tanging kumakanlong sa iyo sa oras na hindi na kinakaya ng iyong talukap ang bigat ng mga mata. Sino nga ba mag-aakala na pansumandali kang kumukuha ng lakas at panandaliang tulog sa loob ng kuartong ito? Sa katahimikan nito ay madali kang maipaghehele kahit pansumandali lamang upang maibalik ang enerhiya ng iyong katawan at pag-iisip. Hindi nga ba’t malaking tulong ang lugar na ito na may katahimikan? Ibinabalik nito ang iyong lakas ng katawan at talas ng pag-iisip.

Kaya nga isang kanlungan ang lugar na ito para sa atin. Saksi sa maraming bagay. Pakaingatan at gawing malinis sapagkat madalas ay kinakanlong tayo nito sa panahon na nais nating mapag-isa.

Kubeta…

Comfort Room

Restroom…


Salamat sa iyong COMFORT.



Sunday, June 7, 2015

Pinay OFW.... Ganito ka rin ba?

(Ang mga larawan ay ilustrasyon lamang)

Sa ilang taon ko na paghahanap-buhay sa Gitnang SIlangan at malawak na lupain ng mga Arabo, ay hindi ko maitatatwa na pinanghihinaan ako ng loob sa aking mga nakikita. Hindi dahil sa kultura o tradisyon mayroon ang bansang ito bagkus sa nakakarimarim na kasuotan ng ilan kong kababayan na mga Filipina.

Wala akong makitang magandang dahilan ng pagsusuot ng mga kasuotan na sobrang ikli sa bansang konserbatibo.

Ano ba ang kanilang pinaglalaban sa kasuotan na ito?

Hindi natin puedeng sabihin na mayroon tayong kalayaan na magsuot sa kung ano ang nais natin lalo pa’t wala tayo sa ating sariling bansang pinaglilingkuran. Maaaring “Oo” sa bansa natin ay may kalayaan tayong suotin ang inaakala natin na makakabuti sa atin. Ngunit, sa bansang konserbatibo ay kailangan natin na matutong isaayos ang ating sarili at ilagay ang ating personalidad na angkop sa bansang ating kinatutuntungan. Matuto tayong igalang ang tradisyon, kultura at kaugalian mayroon sila. Higit sa lahat, matuto tayong igalang ang ating sarili bilang tao.

Hindi natin maiaalis sa ilang mga kalalakihan ang mapasulyap sa hindi pangkaraniwang tanawin sa kanila- ang mga babaeng nakasuot na halos makita ang kaluluwa. Sapagkat mas sanay sila sa mga babae na nakabalot ng Abaya ang katawan. Mga babaeng ginagalang ang katawang pisikal.

Maaaring sa mga lalaking may lawak ng pag-iisip ay abot ng kanilang pang-unawa kung ano ang iyong klase ng pananamit, ngunit paano ang ilang kalalakihan na may makitid at baluktot na pag-iisip? Na ang nangingibabaw ay kamunduhan na pagnanasa. Kaya ba natin kontrolin ang mga ito? Kaya mo bang ipaliwanag sa kanila na ito ang damit kung saan ka kumportable gayong wala ka sa sarili mong bansa na malaya?

Ano nga ba ang nais na ipahatid ng kasuotan na ito sa lugar na pampubliko?


Manghikayat?...

Wala akong maapuhap na maganda at matinong kasagutan!

Lagi natin sinasabi na Stop Rape Culture! At ang mga kababaihan ay hindi Sex Object!

Ngunit, paano mo ipapaliwanag ito sa mga taong hindi mulat sa ganitong klaseng mentalidad? Sa mga taong hindi mulat sa ganitong klaseng kasuotan? Sa mga taong may makitid na pag-iisip at pang-unawa?

Na ang nangingibabaw sa kanila ay ang maling interpretasyon ng iyong maling pananamit! Malaswa!

Hindi sa lahat ng pagkakataon na ang damit na iyong susuotin ay angkop sa lahat ng panahon. May tamang lugar para dito. At mayroon tamang okasyon.

Hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan halos ipangalandakan mo ang kaluluwa ng iyong katawan. Maging partikular tayo sa lugar na ating kinatutuntungan. Iyong alam mong tanggap ng lipunan at ng kanilang kultura. Matuto tayong igalang ang lupang ating pinaglilingkuran. Matuto tayong igalang ang ating sarili sa lahat ng bagay upang makatanggap tayo ng respeto mula sa iba.

Ang respeto ay hindi binibili, ito ay kusang inaani na nagsisimula sa iyong sarili.

Hindi nasasalamin ang kagandahan ng tao sa ikli ng pananamit, mas higit na nakikita ang kagandahan ng tao kung paano niya igalang ang kanyang sarili bilang babae.

Kailangan ba na masadlak ka muna sa maling pangitain bago ka magising at matauhan?


 Isip-isip ka rin kabayan….





Thursday, April 23, 2015

Isa ka nga bang Pakialamero?

“Naku, dapat hindi ka kumakain ng ganyan kasi kaunting sustansiya lang makukuha mo diyan”

“Dapat ganito ang gawin mo...”

“Ito ang dapat mong binili…”

Ilan lang iyan sa mga nakakatuwang marinig sa mga taong akala mo ay mapagmalasakit.

Masarap pakinggan.

Noong una ay hindi mo iisipin ang anumang negatibo kaugnay sa kanyang mga napapansin. Sapagkat ang higit na  mangingibabaw sa iyo ay ang kanyang mabuting pagmamalasakit. Lalo pa’t kung iisipin mong ang taong iyon ay higit na nakakatanda sa iyo. Sapagkat minsan alam mo na siya ay eksperyensado. Mas maalam, mas may higit na karanasan.  Kaya sa kabuuan,  kung may mga negatibo man siyang napapansin ay iisipin mong makakatulong ito upang mapabuti pa ang mga bagay na iniisip mong mayroon kang kakulangan.

Kaya lamang ang madalas na pagmamasid sa bawat kilos o galaw ng tao; sa kanyang pananamit, pagkain at iba pa ay tila kalabisan na. Tila gusto na niyang imaniubra ang buong buhay ng ilan. Nagdudunung-dunungan. Medyo kapansin-pansin na…Hindi na pangkaraniwan. May pinaghuhugutan na nang malalim. Ito ay intensyon na pananadya at pagmamalabis na.

Ang panghihimasok sa buhay ng iba ay hindi na nagiging kaaya-aya, bagkus winawasak nito ang mabuting pakikitungo. Sinisira nito ang mabuting pagkilala. Naglalaho ang kawalan ng respeto sa indibidwal na pagkakaiba.

Mabuting pakinggan ang suhestiyon kung mismong ang taong iyon ay kakikitaan ng pagiging mabuting ehemplo. Yung isinasabuhay niya ang kanyang mga sinasabing suhestyon.

Ngunit???

Taliwas ang lahat!

Madalas sila pa ang sumasalungat. Mas nagiging agresibo. Mas nagiging abusado.

Ang kritisismo minsan ay higit na nakakatulong sa isang tao bilang indibidwal pero kung ang bawat galaw, pananamit at kinakain mo ay binibigyan ng puna ay tila kalabisan na. Hindi na ito nakakatulong, bagkus lumilikha na ito ng maling interpretasyon na nagbubunga ng negatibong damdamin.

Kaya minsan tuloy ay naglalaro sa isipan natin kung ano nga ba ang pinaglalaban niya.

Ito ba ay inggit? o pagkayamot? 

Ito ay katanungan lang na naghahanap ng mabuting kasagutan.


Tuesday, September 23, 2014

Please Continue Leading the Right Track Jonnell




I know Jonnell that you are tired of playing the games and pretending you’re okay though it’s not.

We've seen your strong commitment from the start and we recognized all your efforts in handling the multi-task even it’s under pressure. We've seen you crying alone when you feel bad and have disappointment. You've shown patience with simplicity and on how you control your emotions. You've shown strong dedication and ability in your work. We didn't hear you complaining and even arguing with your superior. You always put respect even exceeds or beyond your limitations. I believe, you've always place respect beyond them. You value people and your work. You always stand in good values inculcate by your parents.You always hide the pain and stand alone. And in order to weigh in, you always find ways to comfort yourself even at your own health risk - to escape in the reality of life even for the meantime.

You are a hardworking man. And I know how you value your work. Proven when you handle the Libya crisis; the humanitarian mission which you handle everything smoothly. The limited number of hours to sleep in order to re-charge even small energy is quite hard. As well as the body stress and mind the whole 24 hours is extremely difficult. Nevertheless, the humanitarian mission is a huge success and we can’t deny your full and best support in saving the lives of different nation in a strife-torn Libya.

I salute you on how you build a good relationship to your colleague towards your work. You have made them special even small things. You always spare time to them even at your busiest day. Even you are run down, you put an extra time not to miss the invitation and they may not experience disappointment.

You are sensitive and you cannot easily hide your emotions. Even I know, you've always pretend that you are okay but your action speaks louder than your words. You cannot suppress yourself completely in hiding a frustrations behind your smile.

Let’s face it; some people may not appreciate you. But I always respect that because I know the pressure in handling the biggest responsibility in your department. And it's a serious matter and you are accountable in your decision and action. I guess, they overshadow your good intention, work-ability and dedication. It’s easy to say things against you and leave it all behind for which they had not experienced it. Accept the fact that they will say something against you at your back and you cannot please them to know you more better. 


We cannot understand that despite of the failure, hatred and displeasure you’ve been experiencing, you've always pushing yourself to work hard. Notwithstanding the bias treatment in the workplace you've always experience. I guess, we have to blame Arnel because he tells you the thing which you don’t know. Realizing and being aware to the extent you develop anger and hatred because of the unequal treatment. But perhaps, you have to thank him also for I know he has a good intention; to see things which you don’t know and to understand the things which is uncertain- balancing yourself in a dark area of a poor judgement.

As a result, you are now aware how they overshadow all your efforts and your hard work. And instead, have recognized and gave incentives to others for an invalid reason which is not fair  and unjust.

Further to that, now you've realized the reason why some of your employees are gradually withdrawn their intention of their contract renewal.

 And I cannot blame you if you gradually lose enthusiasm and soon disengaged too and leave the four corners of this institution.

No one will understand these conflicts except a person who gave you a wrong vision in leading the track.

On the other hand, we are still hoping to resolve this issue and realize to have an equal judgment not only for you but for the next person who will work after you.
But then, continue what you had started and aim most high.


Your twin,

Jonnell the second



Thursday, September 11, 2014

MY TOP TEN WRITING HABITS


Ang tipikal na ugali ko bago o habang lumilikha ng Obra Maestra.

1.    AYOKONG MAY KINAKAIN HABANG NAGSUSULAT- hindi talaga ako palakain kapag nagsusulat kasi napapansin ko kapag may nginunguya ako habang nagsusulat ay hinahatak ako ng kabusugan at nagiging resulta ng aking pagkaantok at tuluyang pagkatulog. Sa kabuuan ay wala akong matatapos sa aking gagawin at nasimulan. Itutulog ko na lang nang tuluyan kung anuman ang nasimulan ko.

2.    TUBIG- mahilig akong uminom ng tubig at laging may tubig sa harapan ko. Uhawin ako. Hindi naman ako dehydrated..lolz. Hindi ako madalas umiinom ng kape kasi pakiramdam ko e lagi akong kinakapos ng paghinga. Hindi rin ako palainom ng kahit anong soda kapag nagsusulat kasi nabubusog ako at inaantok ako. Basta tubig lang ay buhay na ako at para itong gasolina ko…heheheh.

3.    MAHILIG MAG-ISA – kapag nagsusulat ako ay ayokong may maingay at lakad nang lakad sa paligid ko. Madali akong “madestruct” sa ginagawa ko. Lahat ng mga binubuo ko sa aking isipan ay biglang naglalaho. Kaya madalas ay nais kong nasa isang “cubicle” lang ako na walang gumagambala.

4.    MUSIKA- mas ginaganahan akong magsulat kapag may naririnig akong musika habang nagsusulat lalo pa’t ang musika ito ay may pinaghuhugutan ng damdamin. Kung mapapansin nang ilan ay lagi akong may “headset” kahit saan lugar. Nang dahil sa musika ay nakakabuo ako ng panulat.

5.    SUMPUNGIN- may “mood swing” ako sa pagsusulat. Hindi ako madalas magsulat. Pero kapag sinumpong ako ng pagsusulat ay hindi lang isa o dalawa ang natatapos ko. DI ko alam kung bakit?..lolz

6.    WALANG NOTEBOOK AT BALLPEN- maganda ang handwriting ko. Iyon ang sabi ng mga kaklase ko nung HS ako hanggang sa ngayon na nagtatrabaho na ako. Katunayan, lagi akong secretary sa Practical Arts namin noong nasa HS ako ehehehhe. Hindi ko alam kung bakit nang nauso ang computer ay tinamad na akong gumamit ng notebook at ballpen kapag nagsusulat. Wala na akong mock-up o lay-out sa aking mga sinusulat. Kapag sinumpong ako ng “baltik” sa pagsusulat ay diretso upo sa computer at isusulat ko agad ang lahat ng mga bumuo sa aking isipan. At bawal ang istorbo!

7.    NAKAHIGA- sa gabi ay madalas gumagana ang utak ko sa pagsusulat. Lalo na kapag nakahiga na ako. Mas maraming naglalaro at bumubuo sa isipan ko na mga mahahalagang bagay o pangyayari na nais kong ibahagi. Kaya minsan, sa gitna ng aking paghuhugot-tulog ay bigla akong babangon at sisimulan ko ng tipain ang lahat ng mga bumuong idea sa aking isipan.

8.    MALINIS ANG LUGAR- hindi ako nakakapagsulat kapag may nakikita akong madumi sa paligid ko. Lalo na sa lamesa ko. Kahit ayoko itong tignan at isipin na wala akong nakikita, kaso ung mata ko e tinutukso akong tignan ito. Madaling mag-init ang ulo ko. Parang gusto kong ibalibag ang lahat ng gamit ng mga taong nagkakalat…hahahaha… Ayoko rin na may naaamoy ako na mabaho. Pakiramdam ko ay nawawasak ang nostrils ko.

9.    TAMAD- tamad akong gumawa ng nobela. Pero mas hilig kong magbahagi ng mga simpleng kuwento o pangyayari. Gusto ko iyong maikli lang pero nandun na ang gusto kong sabihin. Mas naguguluhan ako kapag mahaba na ang sinusulat ko. Mahilig akong magbasa ng mga nobela, katunayan ay mahilig akong magbasa nito sa net (I-books application). Pero ayoko naman gumawa ng nobela. Parang ang gulo ko? Basta magbabasa lang ako ng nobela.

10.  MAPAGMASID- kahit saang lugar ako ay lagi akong mapagmasid. Mas marami akong nabubuong kuwento at pangyayari sa mga nakikita ko. At laging inilalagay ko ang aking karakter kapag nagsusulat ako. Mas nararamdaman ko ito sa halip na nakikinig lang ako sa kuwento nang ilan.

Kaya kung mapapansin n’yo ay bihira lang ako bumulaga sa DF dahil sa “mood swing” ko. At aminado rin ako na marami akong mga maling pagkakabuo ng pangungusap dahil sa lagi akong nagsusulat na walang banghay. Instant sulat at upload agad. Hehehehe


Tuesday, August 26, 2014

Tara mag-Ice Bucket Challenge tayo!



Ang alam kong layunin ng Ice Bucket Challenge ay makalikom ng donasyon para makatulong sa mga taong nagsasagawa ng pag-aaral sa karamdamang Amyotrophic Lateral Scierosis (ALS). Gayundin ay upang ipalaganap ang kaalaman ng sakit na ito at maipadama ang suporta sa mga taong may ALS…Aba, nagulat ako at tila ginawa na yatang libangan ng mga tao ang Ice Bucket challenge na ito..Basang-basa ang newsfeed ko sa Facebook sa kakaligo ninyo.


Kung mapapansin n’yo ay halos lahat na yata ng tao ay nagkaroon ng partisipasyon sa challenge na ito, katulad ng mga kilala sa antas ng lipunan saan man panig ng mundo at maging ang mga ordinaryong tao. Pati ang mga bata ay nakibahagi na rin na tila alam nila ang dahilan ng pagtanggap nila sa hamon na ito. Ang daming nominasyon. At ang lahat ng mga taong nakakatanggap ng nominasyon ay tuwang-tuwa at naghahamon rin. Pero may naidonate ba kayo?

Aminin natin na ang ilan sa mga taong nakibahagi sa Ice Bucket Challenge na ito ay may tunay na partisipasyon at sadyang nakibahagi sa tinatawag na Challenge for a cause. Ngunit, tila ang iba naman ay di nauunawaan ang tinatawag na misyon ng ALS.

Mistula na itong ginawang katuwaan ng kahit sino. Hindi nila nauunawaan na ang pagbuhos ng Ice Bucket sa kanilang buong katawan ay upang maramdaman nila at maunawaan nila ang karamdaman ng mga taong may Amyotrophic Lateral Scierosis. Hindi ito biro o isang laro na dapat pagtawanan o gawing kasiya-siya.

Masakit panoorin ng isang kaanak sa pamilya na may Amyotrophic Lateral Scierosis na tila ginawa na itong katuwaan ng ilan. Hindi nauunawaan ng mga tao ang abang kalagayan ng isang taong may karamdaman nito. Mabigat sa kalooban ng pamilya ang makitang unti-unting naghihirap ang kalagayan ng isang taong mahal nila sa buhay na dinaranas ang sakit na ito. Pero sa iba ay tila hindi nila alintana. Subukang natin minsan magbasa at nang maunawaan natin. Masakit na pagmasdan kung ang kaanak natin ay may ALS. Na nakikita mong naninigas at namamaga ang kalamnan niya, na ikinahihina at nakakaapekto sa kanyang braso, hita at maging ang kamay. Nahihirapan silang magsalita o dili kaya’y nabubulol. Nakakaranas din sila nang paghirap sa paglunok o pagnguya ng kanyang kinakain. Maging ang pag-angat ng ulo ay hindi niya kaya. At hindi mo maaasahan na makakatayo o makakalakad bunga ng kahinaan nang kanyang kalamnan.At higit sa lahat ay nalilimitahan ang kanyang pamamalagi sa mundo sapagkat hanggang sa kasalukuyan ay wala itong lunas o gamot na puwedeng magpahilom.

Ang layunin ng organisasyon ng ALS ay maimulat tayo sa karamdamang ito- ang maramdaman ang kalagayan ng mga taong may ALS. Maunawaan natin sila sa ganoong sitwasyon.At higit sa lahat ay makatulong tayo na mapuksa at mahanapan ng lunas ang sakit na ito na pinapatay ang buong pandama ng tao at kalauna’y pagkalagot ng buhay.

Hindi ko naman maikakaila na sa ibang banda ay maraming gustong makibahagi dito. Ang ilan nga ay nagpakita ng sinseridad sa kanilang pagsuporta. May mga nagdonate bago tinaggap ang hamon ng kanilang mga kaibigan at mahal sa buhay. Pero ‘yung iba, ay basta lamang tinanggap ang hamon na hindi nauunawaan ang misyon na ito. Ano ito, attention whore?

Thursday, May 1, 2014

Sexual Liberation! (Usapang Feminismo)


Sexual Liberation! Ito ang kalakaran sa kasalukuyang panahon. Isang hamon ng pagbabago sa makalumang tradisyon na mahirap sang-ayunan ng bansang hindi mulat sa ganitong pagkakataon. Sapagkat higit natin na pinaniniwalaan ang sagradong pag-iingat sa kapurihan ng mga kababaihan kesa  sa sandaling init ng katawan na kaakibat nito ang isang pagsisisi.

Hindi natin maikakaila na ilan lamang ito sa mga karanasan ng ilan nating mga kababaihan, partikular ang mga nasa murang edad.


At bilang pagpapatunay na maraming kababaihan ang naging biktima ng maling pagkakataon sa buhay nila. Sapagkat namulat sila sa maling oryentasyong sekswal. Hindi ko alam kung dapat ko bang ipukol sa kanila ang kamalian dahil sa “katangahan” nila. O sadyang dapat ko silang unawain sapagkat ang sinasabi kong katangahan na iyon ay taliwas sa dapat kong isipin. Sapagkat ang katangahan na iniisip ko ay katumbas ng kanilang buong pagtitiwala at pagmamahal na sinuklian ng mali ng mga taong mapagsamantala.

Nakakaawa ba sila?..Sa ibang bahagi ng buhay nila ay masasabi nating “Oo” sapagkat hindi sila naging maingat sa mga desisyon na kanilang ginagawa.

Ngunit, mas higit na nakakaawa ang  mga taong mapagsamantala sa kahinaan ng mga kababaihan. Sapagkat sila ang mga duwag sa pagharap sa kanilang responsibilidad. Sila iyong mga taong walang direksyon ang buhay. Sila ang mga taong walang pagmamahal at paggalang sa mga kababaihan.

Hindi ba sila natatakot sa mga bagay na kanilang ginagawa? Ang paglaruan ang kababaihan? Ang lapastanganin ang kanilang kahinaan bilang babae?

Hindi ba nila nasasalamin sa kanilang buhay ang kanilang ina? Kapatid na babae? O maging ang asawa nilang babae?

Ang pagwasak sa dangal ng isang babae ay katulad din ng pagwasak sa kanilang pinapangarap na magkaroon ng magandang kinabukasan.

Hindi pinaglalaruan ang sekswal na pangangailangan natin bilang tao. Sapagkat kaakibat ng ating pangagailangang sekswal ay  ang mabigat na responsibilidad na naghihintay. Hindi ito biro. Oo, madaling sabihin ito. Pero dapat na isinaalang-alang natin ang bawat balakin kung ito ba ay makakaapekto sa atin bilang tao o maging sa ating kapwa. Kung ito ba ay magdudulot nang hindi maganda o higit pa sa inaasahan na maaaring may buhay na mapatid. Sa sandaling kaligayahan na iyong hinahangad ay habambuhay itong lamat sa ibang tao lalo’t higit sa taong biktima ng panloloko. Mistula itong bangungot sa kanila. Isa itong dungis sa mata ng mga taong hindi marunong makaunawa. Sapagkat di natin maikakaila na may mga taong may taliwas na interpretasyon sa kanilang nakikita sa paligid. Bagamat hindi natin sila puedeng i”please” ‘ika ‘nga..pero minsan masakit ang kanilang bulung-bulungan kesa sa hampas na pisikal.

Di natin maikakaila na maraming kabataang babae ang halos biktima nang ganitong karanasan o ganitong oryentasyon. Ito nga siguro ay bunga ng kanilang kapusukan. O sadya lamang naimpluwensyahan sila ng maling kalakaran ng ating lipunan.

Kaya nga dapat ay maunawaan ng ilan na may malaking gampanin ang pagpasok sa tinatawag na ugnayang sekswal sa murang edad,  babae ka man o lalaki. Hindi dapat maging padalus-dalos sa desisyon o ayunan ang libog sa katawan. Ang kapurihan ay dapat na iniingatan lalo’t higit ay may mga taong mapagsamantala at may mga taong mapanghusga. Idagdag mo pa ang ating paligid na hindi marunong makaunawa.

At kahit na namumuhay tayo sa modernong panahon na may malawakang pag-unlad sa teknolohiya ay hindi nangangahulugan na madaling tanggapin ng lipunan ang maling oryentasyong sekswal sa murang edad, anuman ang kasarian. Dapat nilang maunawaan at maintindihan ang naghihintay na pasanin sa kanilang gagawin- ang magkaroon ng mabigat na responsibilidad bilang tao.